KUMUSTA, ka-negosyo? Sana nasa mabuti kayong kalagayan. Nasa dulo na tayo ng paghahanda para sumabak sa 2021 sa ating mga negosyo. Kukumustahin ko lang sana ang aspeto ng marketing na isa sa pinakamahalagang parte ng istratehiya sa pagnenegosyo. Kung pagtutuunan mo ito ng extrang pansin, marahil ay makikita mo na mayroon pang ikagaganda ang pagnenegosyo mo sa susunod na taon. Narito ang ilang paraan para masigurong nasa tamang linya ang marketing ng negosyo o startup mo sa 2021. O, ano, tara na at matuto!
#1 Bisitahin ang pagtarget ng merkado
Kung handang-handa ka na sa pag-rollout ng produkto o serbisyo mo, sana maayos mong nakonsidera ang target market mo. Ang mismong kabuuan ng mamimili o kostumer mo ay siyang dapat mong unahin dahil kung magkamali ka sa aspetong ito, madidiskaril na rin ang bawat gawain ng marketing mo. Paano mo ba gagawin ang pagsasaayos ng target market mo? Ang simpleng sagot diyan ay ang tinatawag na paggawa ng Persona. Ang Persona ay ang kabuuan ng isang taong iniisip mong siyang malaking bahagi ng kostumer mo. Para gawin ito, ilalarawan mo ang tinatawag na demographics nito.
Kasama rito ang edad, lugar na kanyang kinaroroonan o ginagalawan, gender, at ang income level niya o ‘yung laki ng kinikita. Ang unang bahagi ng pagkuha ng Persona ay mahalaga dahil ito ang magiging basehan ng halaga ng ibinebenta mo, at kung saan mo ito itutulak. Para naman mas masinsin ang pagtarget mo sakostumer, ilarawan mo ang mga mas malalim na aspeto ng personalidad (o psychographics) nito. Kasama rito ang iba’t ibang hilig, pangarap, ninanais makamtan at iba-ibang bagay pa.
Ang suhestiyon ko ay ang pagpili ng isang kostumer (imaginary man o hindi) at interbyuhin mo. Isulat mo ang lahat ng kanyang mga sinasabi at i-analisa ang datos. Dito mo mabubuo ang tipikal na kostumer mo. Lahat ng aspetong pag-market mo sa kostumer na ito ay mabubuo mo na nang ‘di basta hula-hula.
#2 Saliksikin ang kumpetisyon
Lahat ng negosyo ay may kakumpitensiya kahit papaano. Madalas, may nauna na sa ideya mo. Kaya naman kung magsasaliksik kang mabuti, may shortcut ka na sa negosyo mo. Sa paanong paraan? Kung sasaliksikin mo ang bawat aspeto ng mga kakumpitensiya mo, mula operasyon hanggang marketing, malalaman ang mga dapat iwasan, paghandaan at gagayahin o mas papalawigin, ‘di ba? Ang pagsaliksik sa kumpetisyon ay maaaring gawin online.
Search mo ang Google at Facebook bilang pangunahing paraan kung saan makikita ang tungkol sa kanila. Kapag nakakita ka ng kapareho mong negosyo, malamang makikita mo sa baba ng search results ang iba pang kakumpitensiya mo. Tandaan mo na maaaring direkta o ‘di direkta ang kompetisyon, ha? Ang mga dapat tingnan ay ang mga piling produkto na kanilang mina-market. Dito mo malalaman kung ano ang estratehiya nila sa kabuuan ng negosyo nila dito. Pag-aralan mo rin ang branding at pagpapalawig ng kanilang reputasyon.
#3 Ayusin ang reputasyon mo online
Dahil karamihan ng milenyal at GenZ ay nasa online at mobile, mabilis na-se-search ang reputasyon ng isang produkto o serbisyo. Sa pamamagitan lamang ng pagtsek sa reviews ng mga ito, malalaman na nila kung sino ang pipiliin nila. Kung nais mong makaungos sa kompetisyon, ang pagkakaroon ng maayos na reviews sa mga online na merkado gaya ng Shopee at Lazada, at ranking na maayos sa Google ay malaking bagay sa reputasyon ng brand mo. Ano ang mga simpleng gagawin para maayos ang online na reputasyon mo?
Una, ayusin ang sariling website at SEO nito. Mahalaga ang papel ng sariling website dahil umaangat ito kaysa sa post ng iba tungkol sa brand o produkto mo. Dahil ikaw ang may-ari, kontrolado mo ang nilalaman nito. Ang paglagay ng SEO sa site mo ang siyang makakatulong upang umangat sa ranking ang site mo rin at produkto. Ang pagsasaayos ng mga istratehiya sa social media ay malaking bagay rin sa pagkontrol ng reputasyon mo.
Isang halimbawa ay ang paglagay ng mga hashtags na siyang ginagamit upang madali kang ma-search sa Facebook at Insta-gram. Mas mabuti na ‘yung ikaw ang may kontrol sa sarili mong hashtags at nilalaman ng social media mo kaysa iba, ‘di ba? Tandaan mo na ang reputasyon mo online ay malaking bahagi ng marketing mo sa 2021.
#4 Patatagin ang sistemang online sales at marketing
Siyempre, kailangang maayos ang mga sistemang gagamitin mo sa online sales at marketing ng startup o negosyo mo para sa 2021. Tandaan mo na dahil sa pandemya, nag-shift patungong digital selling o e-commerce ang kostumer ngayong 2020. Kailangan mong sumunod sa dikta ng panahon. ‘Di ka puwedeng umiwas o mahuli. Paano ba magsimula sa ganitong pamamaraan? Kung startup ka pa lang, nariyan ang Lazada at Shopee. Ang sistemang gamit nila ay simple at madaling intindihin. Mabilis lang din ang pag-set up.
Kung mayroon ka nang website, mas paigitngin mo ang e-commerce setup nito, bukod sa pagsasaayos ng SEO. Ang SEO kasi ang mas magiging istratehiya mo sa paghatak ng mga kostumer sa Google. Magagamit din ito sa Facebook kung may mga content ka na i-share mo rito. Magagamit mo rito ang hashtags din at ang marketplace ng Facebook.
Maraming groups sa Facebook ang tila marketplace na rin kaya mas mainam na ayusin ang istratehiya ukol dito. Mayroon ding magagamit na influencers sa pagtulak ng mga produkto o serbisyo mo. ‘Di naman kailangang celebrity ang influencer mo. Kung may 5,000 pataas na followers at pasok sa uri ng ibinebenta mo, ok na ‘yun. Ang pundasyon ng pagbebenta online ay siyang magiging labanan sa 2021. Kung nasimulan mo na ito, mas pagbutihin dahil ang kumpetisyon ay nag-iisip din ng mga istratehiyang tulad nito.
Konklusyon
Ang pagtuon mo ng pansin sa marketing para sa negosyo o startup ko sa 2021 ay mahalaga. Dahil na rin sa pag-shift ng kos-tumer online ngayong pandemya, ayusin mo ang istratehiya rito. Tandaan na ang pagnenegosyo ay nangangailangan ng sipag, tiyaga at dasal. Huwag kang mawawalan ng loob kung makakaranas ng pagsubok. Tuloy lang!
Si Homer Nievera ay isang techpreneur at makokontak [email protected].
Comments are closed.