4 OPISYAL NG LAGUNA-HPG KINASUHAN NG CIDG

LAGUNA- PATONG-patong na kasong kri­minal at administratibo ang inihain ng pamunuan ng CIDG laban sa apat na opisyal ng Laguna Highway Patrol Group na responsable sa pagkawala ng dalawang negosyante mula Camarines Sur noong Disyembre 2021 kung saan natagpuang patay ang isa sa mga biktima sa Tayabas City.

Ayon kay Major General Eliseo Cruz, CIDG Director, ang mga kinasuhan ay sina Lt. Emerson Custodio; Chief Master Sergeant Lian Manalo; Corporal Alfie Montesines; at Staff Sergeant Carlito Jimeno na pawang mga nakatalaga sa HPG sa Calamba City, Laguna.

Kabilang din sa kinasuhan ang mga sibil­yan na sina Ramilex Ramirez Mendoza at William Bawalan Dagotdot at isang alias Jane Doe.

Sinabi ni Cruz, ang mga nabanggit na akusado ay siyang idinidiin na responsable sa pagkawala nina Jaime Faramil at pagkamatay ni Rodrigo Duenas.

Ang dalawang biktima na mga buy and sell agents ng mga sasakyan ay nagtungo sa Manila noong ika-26 ng Dis­yembre ng nakalipas na taon para kunin ang nabili nilang sasakyan subalit hindi na umano nakabalik ang mga ito.

Disyembre 27 nang matagpuan ang bangkay ni Duenas sa Tayabas City sa lalawigan ng Que­zon.

Idinagdag pa ni Cruz na haharapin ng mga akusado ang mga kasong R.A. 10883 o ang bagong anti-,kidnapping Act of 2016, kidnapping and homicide, kidnapping with serious illegal detention, P.D. 1829, Obstruction of Justice at Article V, Section 28, Paragraph E, of R.A. 10591.

Ang apat na opisyal ay inilagay sa restrictive custody sa Camp Crame. ARMAN CAMBE