HANOI — Pinalawig ni Evergreen Eric Cray ang kanyang dominasyon sa 400-meter hurdles, nakopo ng taekwondo ang ikalawang gold mula kay Kurt Bryan Barbosa, sinargo ni Rubilen Amit ang unang mint sa billiards, at namayani rin ang Muay Thai women’s pair nang bumagal ang gold machine ng Pilipinas sa 31st Southeast Asian Games kahapon dito.
Hindi nakalahok sa Tokyo Olympics dahil sa injury, ang 33-year-old na si Cray ay nagbalik at nagtala ng 50.41 segundo para sa kanyang ika-5 sunod na 400m gold na nagsimula sa biennial meet sa Myanmar.
Nagwagi rin sa 2015 century dash sa Singapore at miyembro ng winning 4x100m mixed relay team noong 2019, si Cray ay inaasahang sasabak sa 100 meters ngayong Miyerkoles para magtangka sa personal eighth gold medal sa My Dinh National Stadium.
“That would be intense, so I will try to rest up tonight,” sabi ni Cray, ang 2017 Asian Athletics champion.
Ginapi ni Barbosa si Jaijulla Panachai ng Thailand, 16-7, sa men’s minus 54 kg ng taekwondo sa Tay Ho Gymnasium, para sundan ang golden win ni Jocel Lyn Ninoble sa women’s poomsae noong Linggo.
Sa billiards, na laging nag-uuwi ng karangalan sa bansa, dinispatsa ni Amit si Jessica Chan ng Singapore, 7-1, sa women’s finals ng 9-ball singles sa Hadong District Sporting Hall.
Isa pang gold ang sigurado na mula sa billiards sa paghaharap nina Carlo Biado, ang reigning US Open champion, at Johann Chua sa all-Filipino finals sa men’s 9-ball singles ngayong Miyerkoles.
Dinomina naman ng Muay Thai tandem nina Islay Erika Bomogao at Rhichein Yosorez ang women’s waikru mai muay contest.
Sa apat na golds hanggang press time, isang araw matapos ang 10-gold surge, ang Pilipimas ay nanatili sa third place overall sa medal standings na may 34 golds, 37 silvers at 47 bronzes, habang ang second placer Thailand ay nagbabantang lumayo sa 40-40-62 haul.
Pinalobo pa ng host Vietnam ang kalamangan na may 95-62-62, habang nasa fourth ang Singapore (27-31-32), kasunod ang Indonesia (25-38-35).
Nagwagi rin ang Pinoy athletes ng apat na silver medals, dalawa mula sa athletics, bukod pa sa 8 bronzes.
Minasaker ng Gilas Pilipinas ang Cambodia, 100-32, sa pangunguna ni Lebron Lopez na tumapos na may 17 points, 5 rebounds at 2 blocks. Ito na ang ikalawang sunod na panalo ng Gilas matapos ang 76-73 pagbasura sa perennial rival Thailand.
Nabigo si Cray na higitan ang kanyang oras na 50.21 seconds sa 2019 Philippine SEA Games subalit sapat para gapiin si hometown favorite Cong Lich Quach, na nagtala ng 50.82. Nakopo ni Singapore’s Jun Jie Calvin Quek ang bronze na may 51.19.
Tangan ni Cray, isang Fil-American, ang SEA Games record na 49.40.
Nanatili naman si Efren ‘Bata’ Reyes sa kontensiyon para sa gold sa 1-cushion carom singles, gayundin si Chezka Centeno sa 10-ball-singles kung saan siya ang reigning champion.