4-PEAT TARGET NG LADY SPIKERS

LADY SPIKERS

SISIMULAN ng defending champion De La Salle ang kampanya nito para sa four-peat sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament laban sa mahigpit na katunggaling Ateneo sa Pebrero 17 sa Mall of Asia Arena.

Hindi tulad sa mga naunang season kung saan nagkrus ang kanilang landas sa pagtatapos ng first round, ang Lady Spikers at ang Lady Eagles, ang third placers noong nakaraang season, ay maagang magsasagupa.

Nakatakda ang duelo ng De La Salle at Ateneo sa alas-4 ng hapon matapos ang University of Santo Tomas- Adamson University showdown sa alas-2 ng hapon.

Sasambulat ang Season 81 wars sa Pebrero 16 sa Filoil Flying V Centre, kung saan maghaharap ang  last year’s runner-up Far Eastern University at National University sa alas-4 ng hapon, makaraan ang bakbakan ng University of the Philippines at University of the East sa alas-2 ng hapon.

Sa parehong araw ay sisimulan ng Bulldogs ang kanilang title-retention campaign sa men’s division kontra Tamaraws sa alas-10 ng umaga.

Sa kabila ng pagtatapos nina Kim Kianna Dy, Majoy Baron at libero Dawn Macandili, ang Lady Spikers, nagwagi ng 11 korona at third winningest sa likod ng Lady Tamaraws (29) at Tigresses (14), ay nananatiling liyamado.

Todo kayod ngayon ang De La Salle upang malusutan ang most competitive field.

Nakatuon ang lahat sa Lady Maroons, na maagang nagparamdam nang magwagi sa dalawang off-season tournaments,  habang ang Lady Eagles ay nasa mabubu­ting kamay sa ilalim ng bagong coach na si Oliver Almadro kung saan naging impresibo ang kampanya nito sa PVL Open Conference noong nakaraang taon.

 

Comments are closed.