4 SPORTS IDINAGDAG SA VIETNAM SEAG

Abraham Tolentino

INAPRUBAHAN ng  Southeast Asian Games Federation Executive Committee ang pagdaragdag sa apat na sports sa  2021 Vietnam Southeast Asian Games (SEAG).

Ang apat na sporting disciplines ay ang bowling, jiujitsu, esports, at  triathlon.

Dahil dito ay umakyat sa 40 ang bilang ng sports sa 2021 Vietnam SEAG, mas mababa sa 56 sports na nilaro sa 2019 SEAG na ginanap sa Filipinas.

Pinasalamatan ni Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham Tolentino ang 2021 Vietnam SEAG organizing committee sa pag-apruba sa apat na nasabing sports.

Ang kaganapan ay may bentahe sa Filipinas, na namayagpag sa jiujitsu, esports, at triathlon sa 2019 SEAG.

Naghari ang mga Pinoy sa 2019 SEAG jiujitsu competition na may 5 golds, 3 silvers, at 3 bronzes.

Napanatili rin ng bansa ang dominasyon sa triathlon sa rehiyon sa pagwawagi ng lahat golds sa tatlong events, at 2 silvers.

Sa debut ng esports sa biennial meet noong Disyembre, ang Filipino esports athletes ay humakot ng 3 golds, 1 silver, at 1 bronze.

“We have high hopes for them, they did well in the last SEA Games here in Manila,”sabi ni Tolentino.

Aniya, patuloy na magla-lobby ang POC para mapasama ang sambo at skateboarding sa 2021 Vietnam SEAG, dalawang sports kung saan nagningning ang mga Pinoy sa 2019 edition ng games.

Idedepensa ng Filipinas ang overall crown sa 2021 SEAG na nakatakda sa November 21- December 2 sa Hanoi. Ang mga Pinoy ay nagwagi ng kabuuang 149 golds, 117 silvers, at 121 bronzes para makopo ang ikalawang overall championship sa SEAG history, ang una ay noong 2005 na ginanap din sa bansa.

Comments are closed.