NUEVA VIZCAYA- APAT katao ang nasawi habang isa ang nakaligtas matapos malason ng methane gas sa isang tunnel sa bayan ng Bambang, nitong Lunes.
Kinilala ang mga nasawi na sina Dionisio Alisen, 62-anyos ng Antutot, Kasibu; Jeremias Padilla, 64-anyos, residente ng Sawmill, Mabuslo, Bambang; Selvino Mendoza, 63-anyos, residente ng Banggot, Bambang at Marlon Mateo Orden, 38-anyos, Barangay Kagawad at residente ng Barangay Magsaysay Hill sa bayan na nabanggit.
Ayon sa salaysay ng mga residente, agad na rumesponde si Kagawad Orden nang malaman na-trap ang tatlong biktima sa loob ng isang tunnel subalit maging siya ay hindi na nakalabas sa butas na mahigit sa 10 metro ang lalim.
Dito naman sumunod si Marlon Siopon, 32-anyos na tinalian ang sarili ng lubid bago bumaba sa butas subalit nang makarating ito sa loob ay nakalanghap siya ng kakaibang amoy kasunod ang biglaang pagkahilo.
Ayon sa kanyang salaysay, agad niyang winagwag ang lubid bilang hudyat na kailangan siyang hilain pataas subalit bago pa man siya mahila ay nawalan na ito ng ulirat.
Bumalik na lamang ang kanyang malay, ilang minuto ang nakalipas matapos itong mailabas sa hukay.
Samantala, dahil sa kawalan ng sapat na kagamitan ay agad naman na humingi ng tulong ang mga kinauukulan sa rescue personnel ng Didipio Mine ng OceanaGold na nakabase sa Kasibu, Nueva Vizcaya na agad na rumesponde dala ang kanilang mga makabagong equipment.
Ang nasabing retrieval operation ay isinagawa sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pinagsama-samang pwersa mula sa Red Cross, ,PDRRMO, DENR, MDRRMO, PNP Bambang, OceanaGold recue team at Bureau of Fire Protection sa pangunguna ni Provincial Fire Marshall Pedro Espinosa.
Lumalabas na nasawi ang mga biktima dahil sa methane gas na mula sa loob ng hukay at dahil na rin sa kakulangan ng oxygen.
IRENE GONZALES