4 TODAS SA BUY BUST, P272 M SHABU NASABAT

shabu

APAT na big time drug personality ang napatay ng mga tauhan ng PNP-National Capital Regional Police Office at PNP Drug Enhforcement Group habang aabot sa P272 milyon ang halaga ng shabu ang nakumpiska sa isinagawang buy bust operation kahapon sa Taguig City.

Ayon kay PNP-NCRPO chief P/Bgen Vicente Danao, aabot sa 40 kilos ng shabu na tinatayang may street value na P272 milyon ang nasamsam  ng PNP-DEG at NCRPO sa ikinasang buy-bust operation bandang  ala-5:00 kahapon ng umaga sa may Circumferential Road 6 sa Brgy. Sta. Ana ng nasabing siyudad.

Sa impormasyong ibinahagi ni Danao,  matapos ang ilang test buy at surveillance operation ay ikinasa ni P/Lt Col Hansel M Marantan, pinuno ng Regional Intelligence Division-Regional Drug Enforcement Unit  ang anti-illegal drugs buy bust operation sa pakikipag-ugnayan sa PDEA under control no. 10005-122020-0391 na nagresulta sa armadong sagupaan na ikinamatay ng apat na suspek.

Ani Danao, sa kalagitnaan ng bentahan ng droga ay bumunot ng baril ang isa sa mga suspek nang matunugan na mga pulis ang katransaksiyon.

Kasalukuyan pang inaalam kung kaninong grupo o anong sindikato ang kinabibilangan ng mga suspek at sinusuri na rin ng PNP Chemist ang mga nakumpiskang iligal na droga.

Kaugnay nito, tinukoy naman ni PNP Chief Gen Debold Sinas na kilalang drug lords ang dalawa sa apat na napatay na sina Christopher Ocarol at Alan Catalan.

Bukod sa 40 kilo ng shabu, nakumpiska rin ang isang  charcoal gray Mitsubishi Pajero FieldMaster  na may plakang ZMR-277 , 50 pcs ng genuine P1,000 bill kasama ang ilang boodle money, isang  Armscor .45 caliber pistol, isang  caliber .38 revolver  dalawang 5.56 M16 rifle at mga bala. VERLIN RUIZ/MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.