CALOOCAN CITY – PATAY ang isang lalaki habang sugatan naman ang kainuman nito matapos saksakin ng naghuhuramentadong kapitbahay sa lungsod na ito.
Hindi na umabot ng buhay sa Dr. Jose Rodriguez Hospital sanhi ng tinamong saksak sa kaliwang bahagi ng dibdib si Jun-Jun Recto, 40, ng Phase 7-C Blk. 28 Excess Lot, Brgy. A76, Bagong Silang, habang ginagamot naman sa naturang pagamutan si Rodolfo Almonia, 46, sanhi ng saksak sa kaliwang braso.
Kinilala naman ni Caloocan Police Chief Col. Noel Flores ang suspek na si Joseph Elmer Jalober, 47, kasalukuyang nakapiit habang nahaharap sa kaukulang kaso.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, alas-4:30 ng hapon, nag-iinuman ang mga biktima sa kahabaan ng Phase 7-C nang dumaan ang suspek at binalaan umano ang dalawa na naging dahilan upang mauwi sa pagtatalo.
Nang maawat, umalis ang napikong suspek at makalipas ang ilang sandali ay bumalik ito na armado ng bolo saka inundayan ng saksak sa dibdib si Recto at sa kaliwang balikat naman inabot ng saksak si Almonia.
Matapos ang insidente, mabilis na isinugod ang mga biktima sa naturang pagamutan habang kusang loob naman na sumuko ang suspek sa Brgy. 176 bago dinala sa Caloocan Police Community Precinct (PCP) 3. VICK TANES
Comments are closed.