NASA 40,000 pulis ang ikakalat ng Philippine National Police (PNP) sa matataong lugar sa buong bansa sa Holiday season.
Ang pagpapakalat ng maraming pulis sa mga pasyalan, pamilihan at mga pook dasalan ay naglalayong bigyan ng proteksyon ang publiko laban sa mga magsasamantala.
Habang nilinaw ni PNP Public Information Office (PIO) Chief Brig. Gen. Jean Fajardo na kasabay ng pagpapakalat ng libong pulis ay pinaghahandaan din ang anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP).
“Ang inyo pong PNP is still maintaining aggressive stance to make sure na hindi tayo malulusutan ng anumang banta, so ‘yung ating mga proactive measures particularly diyan sa mga public convergence,” ayon kay Fajardo.
Aniya, inatasan ng liderato ng PNP ang kanilang group command na paigtingin ang seguridad sa mga kampo ng mga police station.
“Hindi tayo nagkukumpiyansa, may mga pagkilos sila pagka ganyang mga date kaya ‘yung ating mga pulis particularly ‘yung ating mga maneuver forces ay ina-augment ‘yung mga local stations particularly ‘yung mga vulnerable sa harassments and attacks to make sure na hindi tayo malulusutan ng anumang banta relating dito sa observance nila ng kanilang annibersaryo,” ayon kay Fajardo.
Patuloy naman hinihintay ng PNP ang magiging rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung magpapatupad sila ng Suspension of Police Operations (SOPO) ngayong holiday season.
EUNICE CELARIO