437 STUDENT-ATHLETES SASABAK SA PRISAA NATIONAL GAMES

PRISAA

MATAPOS ang tatlong taong pahinga dahil sa COVID-19, magbabalik ang mga atleta mula sa private colleges and universities sa buong bansa sa Private Schools Athletics Association (PRISAA) National Games 2023 na lalarga sa July 13-19 sa Joaquin F. Enriquez Memorial Sports Complex sa Zamboanga.

Mahigit 600 atleta mula sa 437 kolehiyo at unibersidad ang magbabakbakan sa 21 sports, kasama ang mayaman sa medalya na athletics at swimming sa week-long sports competition na huling nilaro noong 2019 sa Davao.

Bilang tradisyon, inanyayahan si Philippine Sports Commission Chairman Richard Bachmann bilang guest of honor sa opening ceremony, kasama ang mga opisyal ng PRISAA, sa pangunguna ni national chairman at dating PSC Commissioner Fr. Vicente Uy, SVD.

Sinabi ni Elbert “Bong” Atilano, National Executive Director at chairman ng technical management committee, na handang-handa na ang host city sa muling pagbabalik ng PRISAA sa Zamboanga kung saan natuklasan si Tokyo Olympic gold medalist at reigning World Weightlifting at Asian Games champion Hidilyn Diaz.

“Plantsado na ang lahat. Everything is ironed out already and ready to hold the nationwide week-long competition,” sabi ni Atilano, dating vice president ng Weightlifting Association of the Philippines.

“Sabik na sabik na ang mga atleta lumaro matapos ang tatlong taong walang competition dahil sa COVID-19,” dagdag pa ni Atilano.

Ang PRISAA ay breeding ground ng mga national athlete tulad ng Palarong Pambansa kung saan karamihan sa mga atleta ay sumabak sa Southeast Asian Games, Asian Games at iba pang mga kumpetisyon.

Ang mga sports na paglalabanan ay archery, athletics, badminton, basketball (5 on 5) basketball (3 on 3), volleyball, boxing, dancesport, football, gymnastics, indoor volleyball, karatedo, lawn tennis, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo, volleyball at weightlifting.

-CLYDE MARIANO