MALAKI ang posibilidad na madugtungan ang kasalukuyang listahan ng Pinoy world champion sa pagkakapasok ng 44 Pinoy fighters sa world ranking ng apat na major world boxing organization – ang WBC, WBA, WBO at IBF.
Ayon kay Games and Amusement Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, isang malaking hamon na unti-unting naisasaayos sa mga isinulong na reporma sa ahensiya ang magandang performance ng mga Pinoy fighter sa mga sanctioned fight sa abroad.
“Kami sa GAB ay talagang tumutupad sa aming mandato na maproteksiyunan ang ating mga fighter at sa isinulong nating programa, kabilang ang libreng medical at maayos na rating system, nasisiguro natin ang kahandaan ng ating mga boksingero sa kanilang paglaban sa abroad at nakapagbibigay sa kanila ng mas makabuluhang fight match,” pahayag ni Mitra, miyembro rin ng makapangyarihang Rating Committee ng World Boxing Council, ang pinakamalaking boxing organization sa mundo.
Kamakailan, isinulong ng GAB ang 1st Philippine Professional Sports Summit sa PICC kung saan nagsama-sama para talakayin ang lahat ng isyu na nagiging balakid sa pro sports, higit sa boxing ang mga matchmaker, promoter, ring official at fighter.
“First time natin itong ginawa at nagpapasalamat ako sa suporta ng ating mga kaibigan na sina Senators Sonny Angara at Bong Go na silang nagpatibay para makakuha ng dagdag na pondo ang GAB para maisakatuparan ang ating mga programa,” ani Mitra.
Walang Pinoy champion sa kasalukuyan sa World Boxing Council na minsang pinagharian nina fighting Senator Manny Pacquiao sa 112, 130 at 135 lbs, Nonito Donaire sa 118 at 122 lbs. at Casimero sa 108 at 112 lbs.
Sa kabuuan, sa WBC may pinakamaraming rated fighters sa 22, kasunod ang IBF na may 19, WBC (18) at WBA (12).
oOo
Nagpakitang-gilas ang Davao Occidental Tigers sa harap ng basketball- loving overseas Filipino workers nang igupo ang southern rival na Batangas Athletics Tanduay, 67-57, sa bakbakang tinaguriang ‘Dubai Invasion’ ng Maharlika Pilipinas Basketball League Lakan Cup nitong Biyernes sa Hamdam Sports Complex, Dubai, United Arab Emirates.
Nagbida si King Tiger Mark Yee sa pananaig ng koponan kontra first MPBL champion Batangas sa pagkamada ng ika-30 double-double performance sa liga sa kanyang 16 points, 10 rebounds output para sa ika-14 na panalo sa 16 na asignatura ng Mindanao team ni Dumper Party-List Rep. Claudine Bautista na suportado nina Cocolife President Atty.Jose Martin Loon, FVP Joseph Ronquillo, AVP Rowena Asnan at SVP Franz Joie Araque.
Nagsanib-puwersa sa opensa sina Yee, frontliner Billy Robles at Ivan Ludovice habang minanduhan nina Bogs Raymundo at Emman Calo ang depensa sa kabilang dulo upang iposte agad ang 19-5 asalto sa unang kanto.
Nag-init ang kamay ni fire starter Jeff Viernes, katuwang sina Mon Rogado at Jason Milano sa ikatlong yugto upang idikit sa single digit ang kalamangan ng Davao pero pinutol agad ang tangkang rally ng Batangas sa tres ni Robles at alagwa ni Chester Saldua pag-entra ng final period na tinampukan pa ng exclamation rim rocker ni Yee sa huling minuto ng laban sa ligang inorganisa ni Senator Manny Pacquiao.
oOo
Makikilatis ang kakayahan ng Wang’s Ballclub sa PBA D-League sa pagpasok ng bagong head coach ng koponan.
Ang maalamat at ang tinitingalang champion coach sa collegiate leagues na si Loreto ‘Ato’ Tolentino, tanyag ding manlalaro noong kanyang kapanahunan, ang siya ngayong ga-gabay sa Wang’s Ballclub.
Ayon kay businessman/sports patron Alex Wang, magsisimula na ang ensayo ng koponan ngayon sa Aquinas Gym, San Juan City na pangungunahan ni Tolentino at deputy coaches nito.
“It’s part of our preparation for the next conference of the PBA D-League, “ wika ni Wang.
Ang pagpasok ni Tolentino ay bunsod na rin ng pagkakasibak kay dating head coach Pablo Lucas na pinagbawalan nang mag-coach sa collegiate league matapos ang nangyaring komosyon nang umano’y saktan nito ang isang basketball fan sa kasagsagan ng laro.
Comments are closed.