5-0 TARGET NG FUEL MASTERS

FUEL MASTER-5

Mga laro bukas:

Mall of Asia Arena

4:30 p.m. – Phoenix vs NLEX

7 p.m. – Rain or Shine vs NorthPort

MULING itataya ng league-leading Phoenix ang kanilang walang mantsang record sa pagsagupa sa NLEX sa pagpapatuloy ng aksiyon sa PBA Philippine Cup ngayon sa Mall of Asia Arena.

May 4-0 kartada at tanging koponan na undefeated sa liga, haharapin ng Fuel Masters ang Road Warriors sa ­unang laro sa alas-4:30 ng hapon, na susundan ng duelo ng NorthPort at Rain or Shine sa alas-7 ng  gabi.

Dito masusubukan ang tatag ng Phoenix dahil ang makakaharap nila ay isa sa mga bigatin sa liga na hawak ni coach Yeng Guiao.

“Our goal is to keep winning and stay on top of the standings. We will go for it no matter how tough and difficult,” sabi ni Phoenix coach Louie Alas.

Ngayon lang nangyari na ang Phoenix ay nakaapat na sunod na panalo at ang ipinakita nila ay indikasyon na malakas ang kanilang title campaign.

Muling sasandal si Alas sa kanyang mga kamador na sina Filipino-Canadian Matthew Wright, Calvin Abueva, JC Intal, Dave Marcelo, RJ Jazul at Alex Mallari kontra kina Kevin Alas, Larry Fonacier, John Paul Erram, Raul Soyud, Philip Paniamogan, Mark Tallo, JR Quinahan at Pedrito Galanza.

Patas naman ang laban ng North Port at RoS kung saan papasok ang Elasto Painters na galing sa dalawang sunod na panalo kontra Barangay Ginebra at defending champion San Miguel Beer.            CLYDE MARIANO

Comments are closed.