MAYNILA – MAAGANG natapos ang buhay ng isang 5 taong gulang na batang lalaki matapos mabundol ang sinasakyan nilang bisikleta ng kanyang nakatatandang kapatid ng isang armoured van sa Tondo.
Nabatid na isinugod pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang magkapatid na sina Cjay Calderon, 12-anyos, at kritikal pa ang kondisyon, at ang nakababatang kapatid na si Jay-C, 5-anyos, kapwa nakatira sa 1915 Capulong Street, Tondo, Manila.
Sa inisyal na ulat ng Manila Traffic Enforcement Unit (MTEU), naganap ang insidente noong Huwebes, alas-11:40 ng umaga sa kahabaan ng Juan Luna Street corner Capulong Street, Tondo, Maynila habang papasok ang magkapatid sa eskuwelehan.
Minamaneho naman ng suspek na si Calma Simplicio Dela Cruz, 47, may-asawa, 383 Balut, Tondo, Manila ang armored van na may plakang WJA 987 nang mabundol ang mga biktima na magkaangkas sa bisikleta.
Nasa unang bahagi ng bisikleta umano ang 5 taong gulang nang pagsapit sa nasabing intersection ay aksidenteng sumabit at nabangga ang kaliwang bahagi ng armored ang bisikleta ng mga biktima dahilan upang pumailalim ang biktima sa armored van at makaladkad.
Agad namang naitakbo sa nasabing ospital ang biktima ngunit binawian din ng buhay sanhi ng tinamong pinsala sa ulo habang nagtamo naman ng sugat sa katawan ang kanyang nakatatandang kapatid.
Hawak naman ng MTEU ang suspek na sasampahan ng kasong Vehicular Accident Resulting in Damage to Property and Homicide. PAUL ROLDAN
Comments are closed.