Sabi nila, kung gusto mong gumanda, gumastos ka. Pero hindi naman sa lahat ng pagkakataon, ang mga may pera lang ang may karapatang gumanda. Step up tayo sis! Diskarte lang naman ang labanan diyan. Ito ang ilan sa mga beauty tips na puwedeng-puwede nating gawin in the comfort of our homes:
PANTANGGAL NG ACNE
Sino ba naman ang hindi namomroblema sa acne. Mapababae man o lalaki, nagkakaroon nito. Kapag napabayaan pa naman ito, tiyak na darami at ang hinahangad mong makinis na mukha ay hindi mo makakamtan.
Para matanggal ang acne, paghaluin ang apple cider vinegar at tubig. Maaaring damihan ang tubig kung sensitive ang iyong balat. Pagkatapos i-cleanse ang mukha, ilagay ang mixture sa mga bahagi na may pimples gamit ang cotton balls. Maghintay ng 5-20 na segundo bago ito banlawan. Maaari itong gawin nang dalawang beses sa isang araw.
PANTANGGAL NG STRETCH MARKS
Isa rin ang stretch marks sa ayaw na ayaw ng marami. Pangit din kasi itong tingnan. Para naman sa may mga stretch mark, kinakailangan naman ng aloe vera at coconut oil para sa recipe na ito. Tanggalin ang balat ng aloe vera at kutsarain o tanggalin ang laman nito. Durugin ang nakuhang laman at ihalo sa coconut oil. Ipahid ito sa balat na may stretch marks araw-araw. Patuloy na gamitin hanggang sa makita ang pagbabago sa balat.
PAMPAPUTI NG MGA SINGIT AT KILI-KILI
Suwerte ang mga biniyayaan ng maputing singit at kili-kili. Kapag nga naman nakasuot ka ng walang manggas na damit, hindi nakakahiyang itaas ang kamay kung maputi ang iyong kili-kili. Pansinin din naman kasi ang maitim na kili-kili.
Lahat tayo ay naghahangad ng maputing singit at kili-kili. At para ma-achieve ito, paghaluin lang ang turmeric powder at honey. Ipahid sa singit at kili-kili. Patagalin ito ng 10 minuto sa balat bago banlawan. Mas mainam itong gawin bago maligo. Madilaw kasi ang turmeric powder kaya’t dapat maghilod nang maayos upang hindi ito maiwan sa balat.
PAMPAKINIS NG MUKHA
Ito ang tinatawag ko na “honey therapy.” Simple lang ang beauty tip na ito dahil mainit na tubig, ice cube at honey lamang ang kailangan mo. Para magbukas ang pores sa mukha, maghilamos gamit ang maligamgam na tubig. I-apply ang honey sa mukha at i-masahe ito nang kaunti. Pabayaan lamang ito nang 10 minuto hanggang sa medyo matuyo ang honey bago banlawan. Para naman magsara ang pores, pahiran ng ice cube ang iyong mukha. Mahalaga ito dahil kung maiiwang nakabukas ang pores, maaari itong kapitan ng dumi at baka tigyawatin ka pa.
PANTANGGAL NG EYEBAGS
Eyebags din ang isa sa kalaban ng marami lalo na kung palaging puyat. Mayroon namang solusyon upang matanggal ang eyebags. Sa recipe na ito, kailangan lamang ng pipino at saging. Paghaluin ang ginadgad na pipino at dinurog na saging. Ilagay ang mixture sa ice cube tray at hintaying magyelo. Idampi ito sa eyebags bago matulog.
Hindi ba’t simple at halos walang kagastos-gastos? Minsan talaga, maraming benepisyo ang makukuha sa mga gamit sa bahay na hindi natin madalas pinapansin. Kailangan lang talagang masipag tayong mag-experiment, sis! Gawing regimen ang beauty tips na ito at malay mo, bukas makalawa, pak na pak ka na sa ganda. (photos mula sa google) RENALENE NERVAL
Comments are closed.