5 ESTUDYANTE HULI SA AKTONG SUMISINGHOT NG DROGA

POT SESSION

MALABON CITY – ARESTADO ang limang estudyante kabilang ang isang menor-de-edad matapos mahuli sa akto ng mga pulis na sumising­hot ng droga sa lungsod na ito.

Kinilala ni Malabon Police Sr. Insp. Christopher Millares ang mga naaresto na sina alyas Carl, 18, Aike, 19, Mar, 18, John, 18, at 17-anyos na binatilyo, pawang mga residente ng Chico Road, Brgy. Potrero.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Randy Billedo, dakong alas-12:40 ng madaling araw, nagpapatrolya ang mga tauhan ng Malabon Police Community Precinct (PCP) 2 sa pangunguna ni PO2 Retchie Masangkay sa kahabaan ng Pineapple Road, Brgy. Potrero, isang concerned citizen ang lumapit at ini-report ang hinggil sa isang grupo ng mga teenager na sumisinghot umano ng ilegal na droga sa Chico Road.

Agad pinuntahan ng mga pulis ang naturang lugar kung saan naaktuhan ang mga suspek na gumagamit ng droga na naging dahilan upang arestuhin ang mga ito at narekober sa kanila ang iba’t ibang uri ng drug paraphernalia.

Kasong paglabag sa RA 9165 ang isinampa ng pulisya kontra sa mga suspek sa Malabon Prosecutors Office habang ­ibinigay naman sa panga­ngalaga ng DSWD ang menor-de-edad. EVELYN GARCIA

Comments are closed.