PUNTIRYA ng Wrestling Association of the Philippines ang apat hanggang limang ginto sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games.
“May tiwala ako sa mga wrestler na kayang mag-deliver dahil battle-tested at well-exposed sila. Tiyak na pipilitin nilang manalo dahil dito sa atin gagawin at gusto nilang pasayahin ang kanilang mga kababayan lalo na yaong mahihilig sa wrestling,” wika ni Alvin Aguilar, presidente ng WAP.
Isinumite ni Aguilar ang pangalan ng mga wrestler na sasabak sa SEA Games sa tanggapan ng National Sports Associations affairs.
Ayon kay Aguilar, founder at executive producer ng world renowned Universal Reality Combat Championships, puspusan ang paghahanda ng mga Pinoy para magkaroon ng katuparan ang pinakaaasam-asam na tagumpay.
Magugunitang nag-donate ang Korea Wrestling Association ng mga equipment para gamitin ng mga Pinoy.
Naniniwala si Aguilar na ang Thailand ang mahigpit na makakalaban ng mga Pinoy bagama’t kumpiyansa siya na kayang talunin ang Thais.
“Malalakas din ang mga kalaban, ang Thailand and mahigpit natin kalaban,” ani Aguilar.
Ang mga potential gold medal winner, ayon kay Aguilar, ay sina Alvin Lobreguito, Jason Baucas, Henry Foy-O, Noel Norada, Ronil Tubog, Jason Balabal, Johnny Morte, Margarito Angana, Jefferson Manatad, Maybeline Masuda, Vince Ortiz, at Maria Aisa Ratcliff.
Kasama rin sa koponan sina Noemi Tener, Francis Villanueva, Grace Loberanes, Minalyn Foy-Os, Michael Vijay Cater, Allen Mitch Arcilla, Joseph Angana, Jiah Pingot, Joffer Callado, Rogelyn Parado, Anthony Arcilla, Kai Guingona, Shelly Avelino, at Justin Ceriola.
Ang wrestling ay kasama sa combat sports na lalaruin sa SEA Games. Ang iba ay ang arnis, boxing, taekwondo, pencak silat, judo, jiu jitsu, kurash at wushu. CLYDE MARIANO
Comments are closed.