5 KATAO NASAKOTE SA BUY BUST OPERATION

NAKASAMSAM ng umaabot sa halagang 680,000 shabu ang pulisya kasabay ng pagkakasakote sa lima katao kabilang na ang isang babae sa magkasunod na buy bust operation sa Lungsod ng Que­zon kahapon ng umaga.

Ang unang nasakote ng mga ope­ratiba ng QCPD Stn-4 Drug Enforcement Unit na pinamumunuan ni P/Capt. Dennis Francisco, dakong alas- 5:30 ng umaga ay nakilala na sina Vicente Gibrata Cuenca alyas Boss, driver, ng #6 Sta. Barbara St., Brgy. Gulod,  at Arnold Macasieb Nongut, electrician, # 51 Don Cleofas St., Bagbag, pawang nasasakupan ng Novaliches Quezon City.

Nabatid sa isinagawang pagsisiyasat ng imbestigador na may hawak ng kaso, ilang araw rin nilang sinubaybayan ang kilos at galaw ng naturang mga suspek kaya nang mapag-aralan ng awtoridad ay agad silang nakipag-ugnayan sa QCPD-PDEA.

Agad silang nagsagawa ng buy bust ope­ration sa Agoncillo St., Magno Subdivision, Brgy. Sta Monica, Novaliches, Lungsod ng Quezon dakong alas-5:30 ng umaga kung saan ay matagumpay namang nasakote ang dalawang suspek.

Nakasamsam ang mga operatiba sa mga suspek ng mga ebidensiya na kinabibilangan ng hindi pa matiyak na timbang ng shabu na umaabot sa ha­lagang P340,000 at iba  pang ebidensiya na magagamit sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek.

Sa pangalawang operasyon nada­kip naman sina Agnes Marie Ramoirez alyas Ate tubong Tarlac, Romeo Bergado Maldo alyas Michael, 28, tubong Bicol, pawang nakatira sa # 14b Baesa Subdivision, Pascual, Quezon City at ang isa pang kasama ng mga ito na nakilalang si Datunot Abo Gay alyas Boss, 31, taga Maguindanao at naninirahan sa Zamboanga St., Maharlika Village, Taguig City.

Ayon sa imbestigador, naganap ang naturang operasyon dakong alas- 6:30 ng umaga malapit sa isang convenience Store sa Kingspoint Ave. malapit sa Quirino Hi-way, Brgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City.

Nakakuha ang mga operatiba sa pag-iingat ng mga suspek ng mga kaukulang ebidensiya kabilang na ang shabu na ‘di pa matiyak ang dami na siyang magpapatunay na ang naturang mga suspek ay lumabag sa Section 5 at 11 ng Article 11 Republic Act 9165.

Ang naturang mga suspek ay kasalukuyang nakapiit sa selda ng QCPD Stn. 4 habang inihahanda pa ang mga kaukulang papeles sa kasong isasampa sa mga ito. EVELYN GARCIA

Comments are closed.