5 PARAAN PARA MAS MAGING ORGANISADO SA PAGNENEGOSYO 

homer nievera

NARARAMDAMAN mo na ba ang panimulang pagbuhos ng trabaho ngayong simula ng taon?

Mas malamig man ang panahon dala ng amihan, umiinit naman ang pagnenegosyo mo.

‘Yun lang, parang ‘di ka masyadong nakapaghanda kaya dispalinghado ang mga bagay-bagay. Tila kulang ang oras sa isang araw para tapusin ang lahat ng dapat mong gawin.

Kaya naman narito ang ilang bagay na maaaring makatulong sa pag-organisa ng iyong araw at negosyo sa pangkalahatan. Tara na!

#1 Maghanda sa gabi pa lang

Ito ang pinakamaa­yos na paraan sa paghahanda ng araw mo – ang gabi bago ang kinabukasan. Marahil, marami na ring nakalilimot  sa simpleng gawain na ito. Ang iba rin kasi ay naging ugali na ang pag­liban sa paghahanda sa gabi para sa mga gawain kinabukasan.

Ang simpleng pagsasaayos ng schedule mo ay malaking bagay ang magagawa dahil na rin sa kahandaan ng iyong isipan sa mga gagawin kinabukasan. Halimbawa, may mga meeting ka sa umaga. ‘Di ba mas mainam ‘yung pinaghandaan mo ito nang husto o nirebyu man lang ang presentasyon mo sa gabi pa lang? Malaking bagay ‘yun kasi maiibsan ang pag-agam-agam mo sa umaga.

Kaya gabi pa lang, alam mo na ang mga dapat iprayoridad kinabukasan.

#2 Mag-invest sa mga epektibong planner

Noong isang linggo, niregaluhan ako ng isang partner ko mula sa Amerika ng isang planner na tinatawag na High Performance Planner. Alam kong mahal ito dahil sikat ito sa mga magagaling na negos­yante sa Amerika.

Sa totoo lang, mahilig ako sa mga ganitong bagay dahil kahit nasa teknolohiya na ako, medyo old school pa rin ako patungkol sa mga planner. Gusto ko pa rin iyong isinusulat talaga kahit karamihan ng mga bagay sa akin ay nasa apps na o nasa web.

Malaking bagay sa planner ko ang Google Calendar na naka-sync sa aking cellphone.

Ang mahalaga, anuman ang iyong nakasa­nayan, basta epektibo sa ‘yo, gamitin mo. Kung wala kang epektibong planner, ma-ghanap ka kasi malaking bagay ito sa pagpaplano ng araw mo at gayundin ang buong taon mo. Sabi nga, ang isang pangarap na walang plano ay mananatiling panaginip lamang.

#3 Sa umaga magbasa ng mga email

Ang bagay na ito ay medyo struggle sa akin kasi halos 24/7 ang mga negosyo ko. Kahit pa sa umaga talaga ako nagbabasa ng email – kung Filipinas ang pinag-uusapan, sa ibang parte ng mundo, mga alas-10 ng gabi ang umaga sa kanila at ako’y nagbabasa rin ng mga email na bubuhos na ng ganoong oras.

Ang halaga ng pagbabasa sa umaga ng mga email ay nagsasabing dapat aksiyunan ang mga dapat aksiyunan sa maghapon pagkatapos basahin ang mga email. Marami kasi sa mga email mo ay dapat aksiyunan. Kasi kung sa hapon ka magbabasa, lumampas na marahil ang oras na dapat mas marami kang naaksiyunan.

#4 Maglaan ng oras sa sarili

Kung sa isang buong araw ay puro ka trabaho, malamang manghihina na rin ang utak at katawan mo dahil nawalan ka ng oras sa sarili mo.

Tandaan na ang taong walang pahinga o pagtuon sa sarili ay mawawalan din ng gana sa pagtatrabaho.

Sa simpleng pagkakaroon ng oras para magkape ng 15 minuto, malaking bagay ito sa aking pag-recharge. Kasalukuyang ala-1 na ng madaling araw at gi­sing na gising pa rin ako ngayon. Bakit? Naging “me-time” ko ang oras na ito, bago man lamang makatulog. Enjoy kasi akong magsulat para sa pitak ko. Eto sa akin ang aking outlet para maibahagi ang isang parte ng buhay ko sa inyo. ‘Yan ang oras ko sa sarili na inilalaan ko para sa iba.

Kanya-kanyang oras o panahon ‘yan. Ang mahalaga, maglaan ng oras para sa sarili mo. Pahinga rin ‘pag may time!

#5 Maglaan ng oras sa kalusugan at meditasyon

Maraming mga tao ang nakaliligtaan ang kanilang kalusugan. Kasama na nga rito  ang meditasyon kung saan tila kumakalas ka sa gulo ng buhay at negosyo at nakatuon lamang ang iyong isipan at diwa sa sarili mo.

Sa ganang akin, ang inuuna ko sa paggi­sing ko sa umaga ay ang pagdarasal. Ito na rin ang aking oras ng meditasyon. Dahil late na akong magising dahil sa gawain ko sa gabi, halos dalawang beses lang akong kumakain na ang tawag pala ay I.F. o Intermittent Fasting. ‘Di ko alam na may tawag pala doon. Normal lang kasi sa akin ‘yun at maganda pala ang naidudulot nito sa katawan.

Ngunit ang pinakamahalaga sa akin sa larangan ng kalusugan ay ang tulog! Kung kulang ka nito, matamlay ka sa buong maghapon.

Kasama sa aking payo ay ang ehersiyo at ang mga bitamina kasama ng maayos na pagkain. Iwasan mo rin ang nakaka-stress sa ‘yo.

Pagtatapos

Mahirap maging entrepreneur. Marami kang kinakaharap sa araw-araw. Ngunit, kung kaya mong iorga­nisa ang iyong araw, lahat magagawa nang maayos at nasa oras. Focus lang at maging committed  dito.

Hanggang sa muli mga ka-negosyo!

o0o

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na [email protected].

Comments are closed.