PINAALALAHANAN ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak kasunod ng ulat na may mga nabiktima na ng paputok.
Ito ay batay sa Firework-related Injuries (FWRI) Report #2 na inilabas kahapon ng Department of Health (DOH) na base sa isinagawa nilang monitoring mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 22 hanggang 5:59 ng umaga ng Disyembre 23.
Ayon sa DOH, ang apat na mga bagong biktima ng paputok ay nasa pagitan lamang ng anim at 12 taong gulang.
Dalawa sa kanila ay nagmula sa Region VI, isa ang mula sa National Capital Region at ang isa pa ay mula naman sa Region IX.
Tatlo sa mga bagong biktima ay nasugatan ngunit hindi naman na kinailangan pang putulan ng daliri habang eye injury o sugat naman sa mata ang tinamo ng isa pa.
Nabatid na tatlo sa mga bagong biktima ang active user o sila mismo ang nagpaputok, habang ang isa pa ay aksidenteng nata-maan lamang habang nanonood ng mga kapwa batang nagpapaputok, at naganap ito sa kani-kanilang tahanan.
Anang DOH, dalawa sa mga bagong biktima ay nasugatan dahil sa boga, isa ang nasugatan dahil sa kwitis, at ang isa pa ay nasugatan dahil sa camara.
Tiniyak naman ng DOH na lahat ng mga bagong biktima ay nilapatan na ng lunas sa iba’t ibang pagamutan, napagkalooban ng antibiotics at tetanus toxoid habang dalawa ang binigyan ng anti-tetanus serum.
Nananatili pang naka-confine sa pagamutan ang dalawa sa mga biktima habang ang iba pa ay pinauwi naman na sa kani-kanilang tahanan.
Sa kabila naman ng mga naitalang mga bagong kaso, sinabi ng DOH na mas mababa pa rin ito ng 44% o apat na kaso mula sa naitalang siyam na kaso sa kahalintulad na petsa noong 2017, at mas mababa ng pitong kaso o 58% sa 5-year average nang isinasa-gawa nilang monitoring.
Matatandaang isang 12-anyos na batang lalaki na mula sa Nueva Ecija ang unang naitala ng DOH na biktima ng paputok noong Disyembre 21.
Gumamit umano ng 5-star ang bata ngunit minalas na maputukan sa kaliwang kamay at maputulan ng panggitnang daliri.
Taon-taong nagsasagawa ng monitoring ang DOH sa mga firecracker-related injuries sa bansa, ngunit umaasa silang magiging mas mababa ang maitatala nilang mga kaso ngayong taon dahil na rin sa umiiral nang ban sa mga paputok. ANA ROSARIO HERNANDEZ