MUNTINLUPA CITY– LIMANG bilanggo sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) ang magkakasunod na nasawi noong nakalipas na linggo.
Ayon sa pulisya binawian ng buhay ang bilanggong si Joselito Roxas dakong alas-9:55 ng umaga ng Miyerkoles na nasundan pa ng tatlo pang preso.
Ang mga naturang preso ay nakilalang sina Ricardo Santos, Nicomedes Canon at Fernando Raynon na sabay-sabay binawian noong araw ng Sabado, Oktubre 12.
Matapos ang 24 oras ay isa pang inmate na nakilalang si Nilo Rawa Bacay ay binawian din ng buhay.
Umano ang dahilan ng sunod-sunod na pagkamatay ng mga preso sa naturang bilangguan ay kakulangan sa atensyong medikal.
Samantala, patuloy pa rin ang isinasagawang demolisyon laban sa mga illegal structure sa loob ng NBP na may layunin na linisin ito sa mga ilegal na aktibidades lalo na ang droga.
Nilinaw rin ni Major Alberto Tapiru, BuCor spokesman na walang kinalaman ang pagkasawi ng mga nabanggit na preso sa isinasagawa nilang operasyon sa loob ng bilibid.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa rin ng pag-aaral ang pulisya kung mayroon pang ibang dahilan sa sunod-sunod na pagkamatay ng mga preso sa loob ng NBP bukod pa sa umano’y kakulangan sa medical na atensiyon. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.