5 PULIS NA NANG-IWAN SA ERE SINIBAK

PNP-5

LANAO DE NORTE – PINIPIGIL na sa kustodiya ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang limang pulis na nang-iwan sa limang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)  na napatay sa ambush noong isang linggo.

Ayon sa ulat, ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Oscar Albayalde ang pagsibak sa mga pulis na umano’y nagpabaya at hindi tinulungan ang limang PDEA agent.

Sinabi ni ARMM Police Regional Office Director Graciano Mijares, iimbestigahan ang mga pulis dahil sa kabiguan nitong tulungan ang mga PDEA agents.

Nauna rito ay naglabas ng sama ng loob si PDEA Director General Aaron Aquino dahil inabandona umano ng mga pulis ang mga tinamba­ngan na PDEA agent na naging dahilan ng kanilang kamatayan.

Kabilang sa mga iniimbestigahan ng awtoridad na posibleng nasa likod ng ambush ay isang kilalang drug lord at politiko sa lugar.

NBI TUTOK SA IMBESTIGASYON SA PDEA AGENT KILLING 

Magsasagawa na rin ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa insidente.

Kasunod ito ng kautusan ni Justice Secretary Menardo Guevarra, kay NBI Director Dante Gierran na magsagawa parallel probe kaugnay sa ambush incident na naging dahilan ng pagkamatay ng mga PDEA – Autonomous Region in Muslim Mindanao agents na sina Kenneth Tabulo, Kristine May Torlao, Joy Amar, Binzo Dipolla at Diobel Pacinio.

“I have instructed Director Gierran to investigate the killing of 5 PDEA agents in Lanao Del Sur and identify the people responsible for this act of cowardice against our anti-narcotics agents,” ayon sa Kalihim.

Pinabubuo umano ni Guevarra na malakas na case build up laban sa grupong nasa likod ng pananambang.

Pinagbibigyan din ng prayoridad ni Guevarra sa NBI ang natu­rang kaso para maisu­mite kaagad ang resulta ng imbestigasyon.

Matatandaan na ang mga naturang PDEA agents  ay galing sa isang diyalogo sa mga dating drug dependent sa bayan ng  Tagoloan nang tambangan ng mga suspek gamit ang mga assault  rifles  highway ng Barangay Malna, Kapai.

Namatay noon din ang limang agents habang ang dalawa pa na sina PDEA agent Rachel Gentapanan at non-uniformed local police employee na sina Normina Dicay ay malubhang nasugatan. PAUL ROLDAN

Comments are closed.