IMINUNGKAHI ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang pagpapatupad ng limang porsiyentong bawas sa pondo ng bawat ahensiya ng gobyerno at ipunin ito para makalikom ng P250 billion na magagamit sa pagbibigay ng ayuda sa bawat pamilyang Pilipino.
Sa isang press conference, sinabi ni Cayetano na ang malilikom na pera ay magagamit ng gobyerno para bigyan ng P10,000 ayuda ang bawat pamilya, habang magiging stand-by funds ang matitirang P50 billion.
“Wala nang iiyak sa five percent. Napakaliit niyan,” aniya.
Sinabi ni Finance Secretary Carlos Domingez III nitong Miyerkoles na inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala ng Department of Finance (DOF) na bigyan ng P200 buwanang subsidiya ang bawat mahirap na pamilyang Pilipino.
Pero sabi ni Cayetano, may paraan naman para gawing tig-P10,000 ang ayuda.
“Alam ng Pangulo ‘yung aking suporta sa kanya, so I hope hindi nila masamain itong counter-proposal. Simple ang proposal: institute a mandatory five percent savings in all government agencies,” pahayag niya.
“Five percent will give you P250 billion. Once you get P250 billion, you can give each Filipino family P10,000, mayr’on ka pang P50 billion na naka-stand-by,” dagdag pa niya.
Mahalaga, aniya, ito ngayong humaharap ang bansa sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo kasabay ng pag-recover mula sa COVID-19 pandemic.
Hindi na rin, aniya, kailangang hintayin pang magpalit ng administrasyon para gawin ito.
“I appreciate the efforts of the government but… we really have to do much, much better,” dagdag pa niya.
“Mas maganda na pag-usapan natin ang solusyon, hindi ‘yung problema. Everyone knows the problem so let’s not act as if we’re helpless because government is not helpless.”
Noong Pebrero 1, 2021, inihain ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyado sa House of Representatives ang 10K Ayuda Bill, pero hindi ito isinama sa huling bersiyon ng Bayanihan 3.
Para paigtingin ang pagsusulong dito, inilunsad ni Cayetano ang mga programang Sampung Libong Pag-asa kung saan binigyan ng P10,000 ang bawat pamilya, at Sari-Saring Pag-asa kung saan binigyan naman ng tig-P3,500 ang mga maliliit na negosyante.
Ibinahagi ni Cayetano sa media na halos one-third ng mga naging benepisyaryo ng Sampung Libong Pag-asa ay ginamit ang natanggap na ayuda para magtayo ng maliit na negosyo, na nakatulong naman sa kani-kanilang komunidad.
Diin ni Cayetano, ang P10,000 ayuda ay hindi dole-out sa mga Pilipino kundi isang paraan para tulungan silang magsimula ng kabuhayan.
Mas epektibo, aniya, ito kaysa sa papatak-patak na ayudang mauubos lang agad sa gastusin.
Hindi rin, aniya, kailangan pang hintayin ng gobyerno ang susunod na administrasyon para simulan ito dahil posibleng magbago rin ang focus at plano ng papalit na administrasyon.
“Kung ano man ang usapan ngayon na ibibigay sa tao, pagdating ng susunod na administrasyon, maiiba rin iyan. So, kung naibigay mo na ‘yung limang libo, sampung libo, tapos na.”