IKAW ba ay nagdesisyong magnegosyo kamakailan lamang? Kumusta ka naman ka-negosyo?
Kung sa tingin mo ay napapanahon na tumigil nang sandal, huminga, at mag-isip-isip muna, ngayon na marahil ang panahon na iyon.
Habang nakapahinga ka, ilalarawan ko sa iyo ang limang bagay na dapat mong malaman upang mas umigi pa ang buhay entrepreneur mo.
Tara na!
#1 Tuloy ang Hustle
Bilang isang startup, madalas mong marinig ang sinasabi ng mga business coach na “Hustle, Hustle, Hustle!”
Ano nga ba ang tunay na ibig sabihin ng “hustle” sa buhay ng isang startup na negosyante o entrepreneur?
Madalas kasi ang dahilan ng isang tao kung bakit niya nais mag-negosyo ay upang magkaroon ng mas mahabang oras para sa gala o kaya’y pahinga. Nais niyang maglaan nang mas mahabang panahon sa pagpapamilya o kaya ay gugulin ang mga buwan para libutin ang buong mundo.
Teka. ‘Di ganoon kabilis ‘yan mangyayari. Kung ang pakay mo ay kalayaan mula sa boss, puwede pa siguro. Pero bilang bagong entrepreneur, mas maraming oras ang gugugulin mo sa pagpapaangat – o pag-hustle – para sa iyong negosyo. Ganoon talaga ‘yun.
Kaya naman ang pag-hustle ay ang iyong pag-kayod nang husto na sa salita ng mga Gen-Xer ay kayod-kabayo o kayod-marino. Lahat ng oportunidad na darating sa iyo ay sisilipin mo at lahat ng meeting ay pupuntahan mo. ‘Yan ang hustle na tinatawag. Go lang nang go hanggang sa makamit ang tunay na layunin ng iyong pagnenegosyo.
#2 Mag-market nang walang hiya-hiya
Walang taong maniniwala sa ibinebenta mo kung ikaw mismo ay ‘di naniniwala rito. Wala kang mabebenta kung ‘di mo maibenta sa sarili ang iyong produkto.
Ang simpleng pag-uumpisahan mo nito ay ang pagiging pangunahing tagapagtaguyod o ebanghelista ng iyong ibinebenta. Halimbawa, kapag nag-search ka sa Google ng aking pangalan na Homer Nievera, makikita mo ang mga salitang“Digital Evangelist.” Dahil ang aking mga negosyo ay nasa digital o nasa Internet, ang adbokasiya ko ay may kinalaman din dun.
Kaya kung anuman ang iyong binebenta, dapat manguna ka sa pagiging ebanghelista nito. ‘Yan ang pangunahing gawain sa pag-market ng produkto o serbisyo.
Kung kailangan mong magpa-interbyu o maging tagapagsalita o speaker sa mga event, gawin mo. Makikita mo na malaki ang halaga ng marketing na ‘yan at nagawa mo sa libreng pamamaraan. Puwede ka rin magsimula ng blog o vlog mo. Kasama ‘yan sa pagnenegosyo gaya ng pagsimula ng isang so-cial media page o account ukol sa negosyo mo. ‘Di mo ba napansin na maraming tila social influencer ay may mga ibinibenta pala?
#3 Klarong pahayag na misyon
Lahat naman ng nagnenegosyo ay dapat may pahayag na misyono “mission statement.” Ang pagkakaroon nito kasi ay nangangahulugang malinaw ang layunin mo sa pagnenegosyo at nakatuon ang lahat ng enerhiya mo rito.
Ang kawalan ng pokus sa pagnenegosyo ang kadalasang nagiging dahilan ng pagkalugi ng isang negosyo. Halimbawa, kung ang negosyo mo ay may kinalaman sa pagbebenta online ng mga make-up, malamang may mga video ka rin na ikaw mismo ang ang gumagamit ng make-up at nagpapaganda ka nang husto sa mga larawan at video mo. Nang minsan, nayayakang mag-modelo o mag-endorso ng isang produkto, kumita ka rito at nakilala ng maraming tao. Sa halip na gawing paraan ito upang maiangat pa ang pagbebenta ng iyong mga make-up, naisipan mong mag-artista na lamang. Gets?
‘Di naman masamang dagdagan ang kita at kasanayan mo sa ibang larangan. Siguraduhin mo lang na talagang klaro naman sa iyo ang misyon mo at ‘di ka basta-basta lilihis dito dahil lamang sa isang pangyayari.
Ngunit kung sakaling naging mas malaking oportunidad ang bagong larangan para sa iyo, panahon na sigurong palitan ang iyong misyon o kaya’y dagdagan ito.
#4 Handang mag-pivot
Sa basketball, kapag parating na ang isang kalaban habang dala mo ang bola, maaari kang mag-pivot para iwasan ito. Tila pinaiikutan mo ang player at tuloy ka lang patungo sa basket.
Bilang isang bagong entrepreneur o negosyante, marami pang pagkakataon o oportunidad kang kakaharapin. Sa sandaling nakakita ka ng mas ma-laking oportunidad upang umunlad, baka panahon na rin mag-pivot – o pumihit.
Mahalaga ang pag-pivot sa pagnenegosyo, ngunit mahirap ding masuri ang tamang panahon para rito. Madalas, kailangan mong masusing pag-aaral at masinsin na pag-aanalisa bago mag-desisyon. Maging masinop sa mga desisyon lalo na kung may solid ka nang pinagdaraanan.
Noong 2005, nag-desisyon akong mag-aral ng paggawa ng website sa Informatics. Nag-uumpisa pa lang noon ang mga ganoong kurso at dahil nga nasa media ang trabaho ko, naisip kong tingnan kung ano ang paparating na teknolohiyang ito. Natuwa naman ako at marami akong natututnan pati na ang paggawa ng graphics na Photoshop 5 pa noon at pati na ang Flash. ‘Di naman ako nagpakadalubhasa talaga. Nais ko lang matutunan ito at tingnan paano mai-apply sa trabaho at negosyo. Naging daan ko ito upang sumalang sa digital marketing kung saan naging Global Head for Partnerships and Ad Opera-tions ako noon ng Friendster (2009) at ng Multiply (2012). Ngayon, publisher na ako ng mahigit 30+ na blogs. Nagamit ko ang kaalaman at ang pagpihit ko noon mula print media patungong digital media noong 2005 ay nagbunga.
Sa aking mga negosyo, may mga panalo at talo ako sa mga desisyong pumihit. Tamang timing din kasi at dapat handa ka sa mga kahihinatnan. Kung malalim naman ang balon mo (pera!), okay lang sumubok. Basta, dahan-dahan lang sa paggalaw. Huwag ka lang din pipirmi sa kinatatayuan mo at baka mapag-iwanan ka.
#5 Panatilihin ang Lean Startup na modelo
Ang multi-bilyong dolyar na SnapChat ay may walong taon lamang noong nag-IPO sila sa Amerika. Ganoon sila kaliit. Kaya isipin mo ang laki ng pinaghatian nilang kaban-kaban na salapi ng mga naturang founders nito (dalawa lang sila!) at ang stock options ng mga empleyado.
Mayroon akong bagong tayo na negosyo na may kinalaman sa serbisyong SEO, paggawa ng content at paggawa at pag-maintain ng mga website. Apat lang kami sa negosyong ito. Kasi ‘di naman kailangang maraming tauhan kung mauubos ka naman sa pagsweldo. Kaya naman ang gamit naming mga tools ay puro may kinalaman sa teknolohiya.
Tandaan na hangga’t kayang ‘wag lumaki ang organisasyon bilang bagong entrepreneur, gawin mo. Simple lang ang pakakatandaan ukol dito. Huwag paggastusan ang puwede namang libre lamang. Maging masinop. Simplehan o ang istruktura ng organisasyon. Ayusin ang mga Sistema na gagalawang negosyo kahit naging home-based kayong lahat.
Konklusyon
Bilang isang bagong entrepreneur, kailangan ang pagiging masinop at matiyaga sa lahat ng bagay. Huwag kang basta gagastos kung puwede namang li-bre ang gagamiting pang-negosyo. Ang mga teknolohiya at digital tools ay nakahain na.Gamitin lang ang mga ito at patuloy kang mag-aral upang ‘di ka mapag-iwanan.
Sa lahat ng bagay, magtiwala sa Diyos.
o0o
Si Homer ay isang technopreneur. Makokontak siya sa pamamagitan ng email na [email protected]
Comments are closed.