50 BARANGAYS MALARIA-FREE NA

malaria

MAY  50 barangay na sa Filipinas ang deklaradong malaria-free ngunit ilang barangay pa rin sa may limang lalawigan sa bansa ang may local transmissions ng naturang sakit, na nakukuha sa kagat ng lamok.

Ayon kay Dr. Raffy Deray, program manager ng DOH – National Malaria Control and Elimination, mula sa 81 lalawigan sa Filipinas ay 50 lalawigan na ang naideklara nilang ligtas na mula sa sakit na malaria.

Nasa 26 pa aniyang lalawigan ang sa ngayon ay nasa elimination phase na, at naghihintay na lamang ng limang taon pa na walang maitatalang kaso ng malaria o ‘di kaya’y naghahanda ng mga dokumento at mga ebidensiya upang ­maideklara na rin silang malaria-free sa mga susunod na araw.

Gayunman, inamin ni Deray na patuloy pa ring namiminsala ang naturang sakit sa ilang barangay sa mga lalawigan ng Palawan, Sultan Kudarat, Ma­guindanao, Sulu, at Mindoro Occidental.

Nilinaw naman ni Deray na hindi  sa buong lalawigan namiminsala ang naturang sakit ngunit may mga local transmission sa ilang barangay roon.

Ipinaliwanag naman niya na nahadlangan ang pagsusumikap ng DOH na tuluyang puksain ang sakit dahil na rin sa problema sa peace and order sa ilang lugar, partikular na sa mga lalawigan ng Sultan Kudarat, Maguin­danao, at Sulu.

Tiniyak rin naman ni Deray na seryoso ang DOH sa pagtugon sa problema ng malaria sa mga naturang lugar, at sa katunayan ay kabilang aniya ito sa limang karamdaman na target nilang tulu­yang mapuksa sa bansa.

Sa kasalukuyan ay nakikipagtulungan na rin aniya sa kanila ang ilang mga pri­badong sektor upang maabot ang naturang target na ga­wing malaria-free na ang Fi­lipinas.

Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Deray na sa pagsapit ng taong 2022 ay 90-porsiyento na ang nabawas sa mga kaso ng malaria at zero transmission na ito sa taong 2025.

Pinayuhan ng DOH ang mga mamamayan na sandaling makitaan ng sintomas ng sakit ang kanilang kaanak ay kaagad na itong ipakonsulta sa doktor.

Ilan sa mga sintomas ng sakit ay mataas na lagnat, ­panginginig ng katawan, pananakit ng ulo, labis na pagpapawis, pagkahilo at pagsusuka.

Batay sa tala ng DOH, mayroong 4,100 kaso ng malaria sa unang 11-buwan ng taong ito, kabilang ang dalawang binawian ng buhay.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.