50% CUT SA ALLOWANCE NG ATLETA IDINEPENSA

PSC chairman William Ramirez

UMAASA ang Philippine Sports Commission (PSC) na panandalian lamang ang 50 porsiyentong bawas sa allowances ng mga atleta at coach sa national pool.

“Our commitment is that once our collection from PAGCOR resumes, we will return to normal,” pahayag ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez sa kauna-unahang  online edition ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes.

Ayon sa PSC chief, masakit para sa kanila ang desisyong bawasan ang allowances ng mga atleta subalit dahil sa COVID-19 crisis ay ito ang pinakamabuting gawin.

“Otherwise, if we continued with the regular allowance, we wouldn’t last until December,” ani Ramirez.

Ang top athletes ay tumatanggap ng  P45,000 kada buwan mula sa PSC, habang ang mga nasa training pool ay P10,000.

“‘Pag bumalik ‘yung pera mula sa PAGCOR ay ibabalik din namin ‘yan sa mga atleta. That money is intended for the athletes,” sabi pa ng  PSC chairman.

Malaking bahagi ng budget ng PSC ay nagmumula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR, na isang government-owned corporation.

Base sa kanilang monthly casino earnings, ang  PAGCOR ay nagre-remit ng malaking halaga sa  PSC.  Kapag nasa kamay na ng PSC, ito ay nagiging National Sports Development Fund (NSDF).

“It breaks our hearts. Pero kapag bumalik ‘yan (NSDF) we are committed to spend it for the athletes. The purpose of that funding is to spend it,” dagdag ni Ramirez.

Ayon kay Ramirez, sa nakalipas na tatlo o apat na taon, ang  PAGCOR ay nakapag-remit sa PSC ng P150 million kada buwan, na ginagastos sa elite at grassroots programs ng sports agency.

Subalit dahil sa pandemya ay nagbago ang lahat. Noong nakaraang Marso, ang kontribusyon ng PAGCOR ay bumaba sa P99 million, at sa halos pagsasara ng  gaming operations, bumaba pa ito sa P9 million noong Abril.

Sinabi ni Ramirez na hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa buwan ng Mayo o Hunyo,

“With no money from PAGCOR, that will be the end of the elite and grassroots program,” aniya.

Comments are closed.