50K RETIRADONG PULIS ‘NAWAWALA’

Pulis

CAMP CRAME – HINDI mahanap ng Philippine National Police (PNP) ang 50,000 na mga retiradong pulis.

Batay sa rekord ng PNP Retirement and Be­nefit Service (PRBS)  mas marami ang unaccounted for  kumpara sa accounted na mga retiradong Pulis.

Ayon kay PLCol. Grace De Castro, hepe ng Pension and Gratuity Division ng PRBS, may mahigit na 92,000 na retiradong pulis subalit noong 2019 ay mahigit na 42,000 lamang ang accounted nila.

Kalimitan umanong idinadahilan ng mga mi­yembro ng pamilya  ay hindi na makalakad ang mga ito kaya hindi na sila nakapupunta sa opisina ng PNP Retirement and Be­nefit Unit (PRBU) sa mga Police Regional Offices.

Ang accounting ng mga retirees ay ipinag-utos ni PNP Chief Police General Archie Gamboa sa kaniyang pag-upo sa puwesto.

Nagpalabas ito ng bagong standard operating procedure para sa mga retiree kaya simula sa Pebrero 26 hanggang Marso 17 ay isasagawa nila ang simultanenous accounting ng mga retirees sa PRBS at sa mga PRBU.

Gagawin ang pagbibilang tuwing alas-8 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi, Lunes hanggang Sabado upang ma-accommodate  ang mga may trabaho.

Habang simula sa Hul­yo 2020 ang accounting ay gagawing sa mga Municipal Police Station o sa pinaka-malapit na Police Station para magpa-account ang mga retirees at hindi na kailangang pumunta pa sa Camp Crame o sa mga Police Regional Offices. REA SARMIENTO

Comments are closed.