51-ANYOS NA PUI SA COVID-19 NATULUYAN

PATAY

NAMATAY na ang 51-anyos na lalaki na patient under investigation (PUI) habang ito ay ginagamot sa ospital sa Koronadal City, South Cotabato, noong Martes (March 17).

Ito ang kinumpirma ni Dr. Rogelio Aturdido Jr., provincial health officer ng South Cotabato.

Nabatid na walang travel history sa mga lugar na may kasong coronavirus disease ang biktima at wala rin itong direct contact sa mga taong nag-positibo na sa nasabing virus.

Na-admit umano ang biktima dahil sa severe pneumonia at inilagay sa PUI status ayon na rin sa bagong algorithm o protocol ng Department of Health (DOH) sa pagtukoy sa mga PUI.

Marso 16, kinuhaan umano ito ng swab sample ngunit dahil sa matinding pneumonia at sakit sa atay, binawian ito ng buhay noong Marso 17.

Naipadala na sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang swab sample ng biktima at hinihintay na lamang ang resulta.

Sa ngayon, nilinaw ni Aturdido na maliban sa mga taong may travel history sa mga Covid -19 confirmed area at nakitaan ng sintomas ng virus, maituturing na rin na mga PUI na may Severe Acute Respiratory Illness (SARI) o mga nakararanas ng lagnat, ubo, sipon, hirap sa paghinga at severe pneumonia kahit na wala itong travel history o contact sa mga taong nag-positibo sa virus. MHAR BASCO

Comments are closed.