PINAYUHAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng evaluation sa 58 tulay sa Kalakhang Maynila upang alamin kung ligtas pang daanan ang mga ito at hindi na matulad sa Otis Bridge sa Maynila na muntik nang magbigay ng peligro.
Ayon sa hepe ng Traffic-Engineering Center ng MMDA na si Noemi Recio, nakipagpulong sila sa mga kinatawan ng DPWH nito lamang nakaraang linggo upang alamin ang kondisyon ng mga tulay sa Metro Manila.
Ang assessment ng DPWH, ani Recio, ay makatutulong kung babawasan ang bilang ng mga behikulong dadaan sa mga tulay at magpapatupad ng rerouting scheme.
“Pinaimbentaryo namin ang 58 na mga tulay sa Metro Manila na dinadaanan ng mga truck at ang mga may problemang tulay ay dapat bawasan ang load ng mga truck na dadaan dito at ida-divert namin sa ibang routes para hindi mangyari ang nangyari sa Otis,” sabi Recio.
Matatandaan na nitong nakaraang buwan lamang ay bumigay ang center island ng Otis Bridge na nasa Paco, Maynila bunsod ng overloaded na trucks na dumadaan dito at dahil luma na ang naturang tulay na hindi man lamang nasisiyasat ng mga opisyal ng DPWH nakaraang mga administrasyon.
Sinabi ni Recio na agad namang tumugon ang DPWH sa kahilingan ng MMDA at kapag natapos na ang evaluation sa mga tulay sa Metro Manila ay kaagad na isasailalim ang mga ito sa restoration.
Magpapatupad naman ang MMDA ng kinakailangang rerouting scheme upang makaiwas ang mga motorista sa kukumpunihing mga tulay ng DPWH at hindi ito makadagdag pa sa mabigat na trapiko. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.