Lumabas sa isang pre-election survey kamakailan na si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang pinaka-pinagkakatiwalaang kandidato sa pagkapangulo sa darating na 2022 elections.
Sa pinakahuling bersyon ng presidential voter preference survey ng Laylo Research, nakakuha si Marcos ng net trust rating na +59, na nagpapahiwatig ng malalim na motibasyon sa mga Pilipinong botante na ihalal siya bilang unang mayoryang presidente ng bansa.
Lumamang ng 47 puntos ang trust rating ni Marcos kaysa sa pinakamalapit na contender na si Manila Mayor Isko Moreno, na nakakuha lamang ng +12 rating.
Kasunod ni Moreno sina Sen. Ping Lacson na may -8, Leni Robredo na may -15, at Sen. Manny Pacquiao na may -19.
Kapansin-pansin ang mataas na trust rating ng UniTeam presidential bet sa mga pangunahing lugar na marami ang botante.
Nakakuha si Marcos ng +59 sa National Capital Region (NCR), +78 sa North/Central Luzon, +40 sa South Luzon, +46 sa Visayas, at +70 sa Mindanao.
Nang tanungin ang mga survey respondents kung sino sa mga kandidato ang maaaring magpatuloy sa magagandang nasimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte, si Marcos pa rin ang nakatanggap ng pinakamaraming boto sa 64% na nagsasabing siya lamang ang makakagawa nito.
Nauna nang sinabi ni Marcos at ng kanyang running-mate na si Inday Sara Duterte na ipagpapatuloy nila ang mga magagandang proyektong nasimulan ng administrasyong Duterte partikular ang Build, Build, Build program upang pasiglahin ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Nakita rin sa survey na sa pananaw ng mga botanteng Pilipino, si Marcos ang kandidato na maaaring mahigitan ang mga nagawa ni Pres. Duterte matapos na makakuha siya ng 59% na boto mula sa mga respondents.
Maging ang bilang ng mga ‘hard voters’ ni Marcos o ang mga hindi na magbabago ang isip sa pagboto sa kanya, ay nanatiling matatag sa 56%. Ipinapakita lamang nito na ang malaking bahagi ng publikong bumoboto ay nagpasya na at hindi na makukumbinsi o maniniwala sa mga paninira.
Ayon pa sa nasabing survey, nakakuha rin si Marcos ng 63% na voter preference na 46% na mas mataas kaysa sa kanyang pinakamalapit na karibal.
Ginawa ng Laylo Research ang fieldwork para sa nasabing survey mula Pebrero 14 hanggang 21, 2022, at nag-interbyu ng 3,000 respondents.
Ang UniTeam ay patuloy na umiiwas sa pakikibahagi sa negatibong pangangampanya at sa halip ay tumutuon sa panawagan para sa pagkakaisa. Para sa kanila, ang pagkamit ng pagkakaisa ay ang unang mahalagang hakbang tungo sa pagbangon ng bansa mula sa mga epekto ng pandemyang COVID-19.