5K AYUDA SA RICE FARMERS IPAMAMAHAGI NA

FARMERS-3

TATANGGAP ang maliliit na rice farmers sa bansa ng one-time cash assistance mula sa pamahalaan sa gitna ng COVID-19 crisis, ayon kay Agriculture Secretary William Dar.

Ayon kay Dar, may  591,246 rice farmers sa 34 lalawigan ang pagkakalooban ng tig-P5,000 financial subsidy sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF)

“Ongoing na itong ayuda na ito,” sabi ni Dar.

Aniya, ang mga magsasaka ng iba pang pananim ay sakop ng P5,000 hanggang P8,000 emergency cash assistance mula sa gobyerno.

“‘Yung iba po, below the poverty threshold, poorest of the poor, kahit ano ka pa basta bukod dito sa 591,246 ay kasama po sila sa social amelioration program ng gobyerno,” dagdag ng kalihim.

“Dapat ‘yung fishers natin, coconut farmers na pobreng-pobre, mga upland farmer ay kasama sila sa listahan dapat ng barangay captain at DSWD para mabigyan sila ng ayuda.”

Nilinaw ng Agriculture chief na hindi magkakaroon ng duplikasyon ng ayuda dahil sa inter-agency coordination.

“Mayroon kaming ugnayan ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) na walang duplication. We are exchanging lists,” aniya.

Ang tulong pinansiyal mula sa DA ay ipalalabas over the counter sa iba’t ibang sangay ng Land Bank of the Philippines.

“Bibigyan namin ng listahan ‘yung mga bangko na sakop nitong mga probinsya o munisipyo,” dugtong ni Dar.