DALAWA katao ang kinumpirmadong namatay habang 96 naman ang isinugod sa ospital matapos makalanghap ng amoy mula sa ammonia na tumagas sa TP Marcelo Ice Plant and Cold Storage sa R-10, Brgy. NBBS.
Kinilala ang mga nasawi na sina Joselito Jazareno, 54-anyos, residente ng Malabon at electrician ng kompanya na nakita ang kanyang bangkay malapit sa lugar ng sumabog na surge tank at Gilbert Tiangco na kabilang sa mga naisugod sa ospital ngunit namatay din.
Ayon sa report ng Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office (NDRRMO),umabot sa 5,000 residente ang apektado na kung saan lima ang naitalang nasa kritikal na kondisyon matapos makalanghap ng ammonia.
Tiniyak naman na mabibigyan ng kompensasyon ang mga naapektuhan at agad na ipinag-utos ang pagsasara ng cold storage facility hanggang maayos ito at ma-settle ang mga naapektuhang empleyado at residente.
Ayon sa NDRRMO, humupa na ang amoy ng ammonia na dulot ng leak sa TP Marcelo Ice Plant and Cold Storage at sarado na ang valve ng nag-leak.
Bandang alas- 8 ng Miyerkules ng gabi nang ideklarang under control at wala ng amoy ammonia kung kaya’t pinayagan nang bumalik ang mga residente sa kanilang mga bahay. VICK TANES/EVELYN GARCIA
Comments are closed.