(5TH SONA ni Pangulong Duterte:) EXTRA ORDINARY – PNP SPOKESMAN GEN. BANAC (8,000 pulis, 30 sniffing dogs ikinalat)

Gen Bernard Banac

CAMP CRAME- IPINAGPALAGAY ng Philippine National Police (PNP) na extra ordinary ang Ulat sa Bayan ngayong araw ni Pangulong Rodrigo.

Ito, ayon kay PNP Spokesman, BGen. Bernard Banac, ay dahil limitado ang mga tao sa kalsada habang hindi rin pinayagan ang malakawakang kilos-protesta o demonstras­yon dahil nahaharap ang bansa sa COVID-19 pandemic.

Sa panayam kay Banac, tiniyak nito na hindi nila pinayagan o hindi sila nagbigay ng permit para sa anumang pagtitipon sa mga pampublikong lugar gayunman, ang mga nais lumabas ay maaari naman subalit hanggang UP Campus sila.

“Tama po, ang local government units natin ay hindi na magbibigay ng pemit to hold rallies kaya’t ipinagbabawal na po ang pagsasagawa ng protest rally sa mga pampublikong lugar subalit ‘yung mga nagnanais pa ring lumabas at magsagawa ng protesta, maaari po silang magtungo sa UP Campus,” ayon kay Banac.

Sinabi rin ni Banac na heightened alert ang PNP para matiyak ang seguridad ng lahat habang wala rin aniya silang natatanggap na banta ng panggugulo.

Inihayag naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Maj. Gen. Debold Sinas na nasa 8,000 pulis at 30 sniffing dogs ang idineploy o ikinalat sa  Metro Manila partikular sa Batasang Pambansa sa Quezon City.

Nakikiusap din ito sa mga militante na huwag nang magpumilit magpunta sa Batasan gayunman, bibigyan aniya nila ng pagkakataon para ma-disperse peacefully at umuwi.

Subalit kung hindi aniya sumunod ay mapi­pilitan umano ang pulisya na arestuhin ang mga pasaway. EUNICE C.

Comments are closed.