SULU-ANIM na miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay ng mga tauhan ng 45th Infantry Battalion sa sagupaan kamakala-wa ng hapon sa Barangay Latih, Patikul.
Ayon kay Lt.Col Arvin Encinas, tagapagsalita ng AFP-Western Mindanao Command tumagal ng mahigit kalahating oras ang bakbakan na nagsimula alas-6:00 ng gabi.
Habang tinutugis ng mga tauhan ng Philippine Army ang mga tumatakas na bandido na hinihinalang pinamumunuan ni Radulan Sahiron ay narekobet ang tatlong bangkay ng mga terorista na kinnilalang sina Guro Khalid, Udal Muhamadar Said, at isang alyas Budah.
“Based on reports, three more enemies were killed and many others were wounded,” pahayag naman ni Maj. Gen. Corleto Vinluan, JTF Sulu commander.
Subalit nabatid na may walong sundalo ang nasugatan sa sagupaan na kinailangan ilikas mula sa encounter site at itakbo sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital at inilipat sa Camp Navarro General Hospital.
Sa ulat, kasalukuyang nagsasagawa ng combat patrol ang mga tauhan ng 45th Infantry Batallion ng Philippine Army sa bahagi ng Barangay Latih, Patikul nang makasagupa ang mga terorista.
Tumatagal ng mahigit kalahating oras ang engkuwentro sa pagitan ng militar at hindi pa mabilang na miyembro ng ASG.
Magugunitang naka-engkuwentro noong nakalipas na Linggo ng militar ang mga miyembro ng ASG sa pamumuno ni Radullan Sahiron at Hatib Sawadjaan sa Patikul kung saan napaslang ang 12 sundalo. VERLIN RUIZ
Comments are closed.