6 DRUG PERSONALITIES TIKLO SA P400K SHABU

drug

CAVITE – Aabot sa P400,000 halaga ng shabu ang nasamsam makaraang masakote ang anim na drug personalities sa isinagawang anti-drug operation ng pulisya at Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA 4A) sa bahagi ng Sitio Palo Alto, Barangay Habay 1, Bacoor City, Cavite kamakalawa ng gabi.

Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Grace “Gara” Elarin y Quiambao, 38, ng Brgy. Zapote 1; Jeyrel “Jerry Ice Cream” Madrigal y Gloria, 46, ng #1214 Tramo Street, Las Piñas City; Marlyn Alalay y Piel, 42, ng Phase 3, Brgy. Panapaan 7; John “Erick” Cailo y Bantaran, 27, ng Sitio San Roque, Brgy. San Isidro, Parañaque City; Rafael Vardeleon y Enriquez, 39, ng #145 M. Moran Street, BFRV, Las Piñas City; at si Oscar “Topac”Montano Jr. y Tabing, 38, ng Tabing Dagat, Brgy. Talaba 2, Bacoor City.

Ayon sa pulisya ang mga suspek ay nasa drug watchlist bilang street level target (SLT) na sinasabing magkakasabwat sa drug trade sa nasabing lungsod.

Sa ulat ni P/Chief Insp. Ruben Ballera Jr. na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na isinailalim sa surveillance ang mga suspek kaugnay sa patuloy na drug trade kaya inilatag ang anti-drug operation.

Hindi naman nakapalag ang mga suspek kung saan nasamsam ang 55.5 gramong shabu na may street value na P377, 400.00; P500 marked money, at isang Sedan Mitsubishi Lancer (EBH 667) na pag-aari ni Madrigal.

Isinailalim na sa chemical analysis ang mga nasamsam na shabu habang nakapiit naman sa police custodial facility ang mga suspek.   MHAR BASCO

Comments are closed.