COMPOSTELLA VALLEY – DEAD on the spot ang dalawa katao habang patay naman nang mairating sa pagamutan ang apat nilang kasamahan nang sumalpok ang sinasakyan nilang passenger van sa isang truck kamakalawa sa lalawigang ito.
Sa ulat na nakarating sa PNP Highway Patrol Group, bukod sa anim na nasawi sa salpukan ng pampasaherong van at forward truck sa Purok 3, Barangay New Sibonga sa bayan ng Cabunturan ay may sampu pang sugatan sa sakuna.
Agad na binawian ng buhay sina Jackielyn Gubato at Anita Cantillas habang dead on arrival naman sa ospital sa Tagum City sina Sim Sholto Pitos, Edjohn Cantoria, at mag-asawang Fernando at Getrudes Catiil.
Ayon sa pulisya, 15 ang sakay ng van, kabilang ang drayber.
Sa inisyal na pagsisiyasat ay sinasabing nawalan ng control sa manibela ang driver ng van kaya napunta ito sa kabilang lane at nakasalpukan ang kasalubong na truck na nasa kabilang linya.
Sinasabing nag-preno ang tsuper ng van sa pakurbadang bahagi ng lansangan sakop ng Barangay New Sibonga pero dahil basa ang kalsada, nagpa-ekis-ekis ang takbo ng sasakyan at nabangga sa truck.
Ayon sa van driver na si Rogelio Gallenero, umislide ang gulong ng kaniyang sasakyan at tuluyang nawalan siya ng kontrol sa manibela.
Napag-alaman din sa imbestigasyon na kolorum ang van na gamit ni Gallenero.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide ang 2 drayber ng mga involve na sasakyan. VERLIN RUIZ