6 MIYEMBRO NG GUN FOR HIRE CRIMINAL GROUP ARESTADO

NASAKOTE ang anim na miyembro ng gun-for-hire criminal group, kabilang ang kanilang lider sa ikinasang operasyon ng pulisya sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Northern Police District (NPD) Acting Director Gen. Josefino Ligan ang mga nadakip na sina alyas “Tomboy”, umano’y lider ng Alcandara Gun-for-Hire Criminal Gang, residente ng Brgy. 36, Caloocan City, alyas “Jharvis”, “Ranie” at “Renzo” na pawang mga taga-Tondo, Manila, at alyas “Roel” at “Jerry”, kapuwa residente ng Binangonan Rizal.

Iba’t-ibang matataas na uri ng baril kabilang ang Bushmaster rifle na may 25 bala ng kalibre 5.56mm, Glock 17 Gen 4 na may 15 bala ng kalibre .9mm, Glock 19 pistol na may 13 bala ng kalibre .9mm, at Taurus PT 1911 pistol na may walong bala ng kalibre .45 sa magazine ang nasamsam ng pulisya sa isinagawang police operation dakong alas-4:57 sa Brgy. 36 Marulas B, Caloocan na ginagawa kuta ng grupo.

Sa kanyang ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Director BGen, Anthony Aberin, sinabi ni Col. Ligan na naging daan ng kanilang pagkakalansag sa naturang grupo ang pagsisilbi ng mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) ng warrant of arrest na inilabas ni Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Rose Sharon Santiago Cordero-Abila ng Branch 129 laban kay alyas Tomboy na akusado sa kasong murder ng walang inirekomendang piyansa.

Patuloy pang isinasailalim sa imbestigasyon ang mga nadakip upang alamin ang possible nilang pagkakasangkot sa iba pang uri ng krimen habang isinumite na sa NPD Forensic Unit ang mga nakumpikang hindi lisensiyadong armas upang isailalim sa ballistic examination.

EVELYN GARCIA