SA ika-anim na anibersaryo ng PILIPINO Mirror na may temang “Matatag na Tumugon sa Hamon sa Ika-6 Taon”, ang pitak naito ay nagbibigay espasyo para sa pagtugon ng diyaryong ito sa hamon ng panahon ng teknolohiya.
Marahil may pangarap kang magnegosyo sa harap ng beach o habang nasa ibang bansa at nagkakape sa Paris. Sa panahon ng digital at teknolohiya, maaari naman itong gawin kung paghahandaan mo ang maraming aspeto ng iyong negosyo.
Kasalukuyan ko itong nagagawa ngunit sadyang ‘di naging madali ang pag-shift mula sa tradisyunal na setup patungo rito. Ibabahagi ko sa inyo ang ilan sa aking mga natutunan:
#1 Ayusin ang Istruktura ng Negosyo
Sa una pa lang, kailangang pag-isipan ang setup na gagawin mo. ‘Di madaling mag-shift kung sanay ka at ilang empleyado o aspeto ng negosyo sa isang tele-commuting na setup. Isaliksik ang mga gagamiting equipment at wi-fi o data source para rito. Dapat, may maayos din kayong iskedyul ng Skype miting o iba pang paraan. Ako, alam ng mga tao ko na dapat ay naka-login sila sa FB messenger anumang oras dahil doon ako lumalagi dahil sa mga negosyo namin na kasama ang FB.
#2 Chill nga ba?
Pantasya lang naman talaga ang pagnenegosyo sa harap ng beach. Ibig sabihin, ‘di laging chill lang o relax lang ang kapaligiran sa pagnenegosyo, digital man ito o hindi. Pero kung ikukumpara ang ganitong pagnenegosyo sa Asya man o sa Europa o Amerika, mas chill naman sa atin. Kaya tingnan mo rin kung sino ang kaugnayan mong kostumer. Iayon ang schedule mo sa kanila.
#3 Komunikasyon
Maraming aspeto ang komunikasyon lalo na kung digital-mode ka. Ang smartphone mo ang isa sa pinakamahalagang gamit mo para sa komunikasyon. Ako kasi, email ang madalas na gamit ng mga kliyente ko abroad. Kaya may oras akong tumugon kahit na iba-iba ang oras ng trabaho nila. At dahil nasa Pilipinas ako, malaking bagay ang maagap na pagtugon sa pangangailangan ng mga empleyado ko. May mga ilang regular na empleyado ako na nasa ibang probinsiya. Parang virtual assitants pero tunay na empleyado. Nakatitipid sila sa oras at pera at mas inspirado silang magtrabaho basta maayos ang komunikasyon.
#4 Bantayan ang Benta at Cashflow
Ito ang madalas na aspeto ang nakaliligtaan ng mga digital na negosyante. Ayusin ang sistema ukol dito. Dapat may regular kang reporting at koordinasyon sa mga taong nagpapasok ng pera at finance.
#5 Integridad
Hindi matatawaran ang integridad sa trabaho maging digital man ito o hindi. Dahil nga ‘di kayo pisikal na nagkikita, parang LDR (long distance relationship) ang peg ninyo. Kaya panatilihin ang ganitong kultura sa lahat ng bagay. Makatutulong ang mga CRM tools kung saan madaling ma-track ang progreso at komunikasyon sa bawat isa at sa bawat proyekto. Ang tip ko lang ay gawing results-oriented ang kultura ninyo para kung per project ang inyong reporting, madaling kunin ang updates.
#6 Ugnayan
Kada buwan, may birthday celebration sa pisikal na opisina namin – andun ka man o wala. Pero ako, isang beses pa lang akong lumiban dahil sa isang emergency. Importante rin ang mga bonding event gaya ng outing at Christmas party kung digital na negosyante ka. Sa dulo, tao pa rin ang kaugnayan mo kaya maging bukas sa komunikasyon at pakikipag-ugnayan.
Comments are closed.