6 PH ATHLETES SASABAK SA WORLD PARA POWERLIFTING CHAMPIONSHIPS

Weightlifting

ANIM na atleta ang kakatawan sa Pilipinas sa World Para Powerlifting Championships na gaganapin sa Aug. 21-30 sa Dubai, United Arab Emirates.

Isa ito sa mandatory tournaments para mag-qualify sa 2024 Paralympics sa Paris, France.

Ang national team na gagabayan nina coaches Rico Canlas at Daisy Lipasana ay kinabibilangan nina Marydol Pamatian (41kg), Achelle “Jinky” Guion (45kg), Denesia Esnara (55kg), Adeline Dumapong-Ancheta (+ 86kg), Romeo Tayawa (54kg) at Gregorio Payat Jr. (58kg).

“We’ll do our best,” sabi ni DumapongAncheta, ang unang Pinoy na nagwagi ng medalya sa Paralympic Games kung saan nanalo siya ng bronze sa Sydney, Australia (2000).

Karamihan sa mga atleta na tutungo sa Dubai ay medalists sa 12th ASEAN Para Games na idinaos sa Phnom Penh, Cambodia noong nakaraang Hunyo.

Si Pamati-an ay bumuhat ng isang gold (total lift) at isang silver (best lift).

Ang tubong Taganaan, Surigao del Norte province ay nagwagi rin ng bronze medals sa Myanmar (2014), Singapore (2015), Malaysia (2017) at Indonesia (2022).

Nagsubi naman si Guion ng Sipalay, Negros Occidental province ng dalawang silver medals upang maduplika ang kanyang performance sa Solo, Indonesia noong nakaraang taon.

Si DumapongAncheta ng Kiangan, Ifugao province ay isang five-time ASEAN Para Games gold medalist. Nagwagi siya ng 2 silvers noong nakaraang taon at dalawang bronzes ngayong taon.

Samantala, naguwi si Tayawa ng Kalinga province ng 2 bronze medals habang nakasungkit si Esnara ng La Trinidad, Benguet ng isang bronze medal sa 2022 ASEAN Para Games.

-PNA