TINATAYANG nasa 6,000 pamilya ang naapektuhan nang bigla silang mawalan ng suplay ng tubig na walang warning mula sa Manila Water.
Ang mga ito ay mula sa Marikina, Pasig, Quezon City, Taguig, Mandaluyong at ilang lugar sa lalawigan ng Rizal.
Nagreklamo ang mga residente na wala silang natanggap na abiso lalo’t ipinadaan lamang online ng Manila Water ang kanilang advisory.
Ngitngit pa ng mga apektadong residente, wala ring nakalagay sa abiso ng Manila Water sa tiyak na araw at oras kung kailan mawawalan at babalik ang tubig.
Humingi naman ng paumanhin ang Manila Water sa lahat ng mga naperwisyo nilang customer sa east zone.
Tiniyak naman ng Manila Water na ginagawan nila ng paraan upang maibalik agad sa lalong madaling panahon ang suplay ng tubig sa mga apektadong lugar.
Nangyari ang water interruption sa kasagsagan ng pagbaba ng lebel ng tubig sa La Mesa Dam na pinanggagalingan ng “buffer supply” sa Metro Manila.
“The water demand is very high today because of water supply interruptions in the previous days… kaya binabalanse lang namin ang available supply,” pahayag ni Manila Water corporate communications head Jeric Sevilla. Tumaas ang demand para sa tubig ngayong taon dahil sa paglaki ng populasyon.
Nasa 69.1 metro naman ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam ngayon, mas mababa kumpara sa 79 metro noong 2018. Mas mababa din ito sa normal na lebel na 80.15 metro.
Inaasahang magtatagal sa buong tag-init ang pagrarasyon ng tubig sa Metro Manila.
Tiniyak ng Manila Water na magbibigay sila ng abiso para sa schedule ng water interruption sa kanilang social media accounts.
Nag-iikot na rin ang ilang water tankers para mag-deliver ng libreng tubig.
Comments are closed.