INANUNSIYO ng Cambodia ang 608-event, 49-sport 32nd Southeast Asian Games na pangunahing gaganapin sa Phnom Penh at Siem Reap mula Mayo 5hanggang 16 sa susunod na taon.
Ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) President Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino, ito ang pinakamalaking SEA Games pagdating sa events, subalit mabebenepisyuhan lamang ang host.
Aniya, nagpataw ang Cambodia ng panuntunan na tanging ang host athletes ang maaaring magkaroon ng 100 percent participation sa combat sports o martial arts, habang nililimitahan ang iba na lumahok sa 70 percent ng events na nakataya sa sport. “That benefits the host best, while putting at risk our chances for the medals,” ani Tolentino.
Si Tolentino ang pinaka-vocal sa mga miyembro ng SEA Games Federation na tutol sa naturang polisiya, ngunit ginaya lamang, aniya, ng Cambodians ang Malaysia na nagpatupad ng parehong regulasyon sa 2017 Games sa Kuala Lumpur.
“Our athletes should focus harder and train more to get to the podium,” sabi ni Tolentino, kasabay ng pagbibigay-diin na mahihirapan ang bansa na mapanatili ang fourth-place overall finish nito sa 31st Vietnam SEA Games noong nakaraang Mayo.
Ayon pa kay Tolentino, nauna ring tinanggal ng Cambodia ang 50 kgs class sa women’s kumite ng karate, subalit muli itong kinonsidera. Si Filipino-Japanese Junna Tsukii ang kasalukuyang World Games champion at dating gold at three-time SEA Games bronze medalist sa event.
Isinama naman ng Cambodia ang dalawang indigenous sports—Kun Bokator, isang martial art practices ng ancient Khmer military, at Ouk Chatrang, na isang Khmer chess game. Naglaan sila ng 21 at 6 gold medals, ayon sa pagkakasunod.
Ang kapuna-puna pa, ayon kay Tolentino, ay apat na gold medals lamang —ttig-dalawa sa bawat kasarian — sa artistic gymnastics, na sa Olympic at world championships programs ay may walo para sa kalalakihan at anim sa kababaihan.
“Gymnastics alone means several potential golds our world champion Caloy [Carlos Yulo] won’t have a shot at,” ani Tolentino said.
Binanggit pa niya ang dalawang sports kung saan malakas ang Cambodia at ang kapitbahay nito na Vietnam — Vietnamese martial art Vovinam na may 30 events at Fin Swimming na may 24 events.