60K NA ESTUDYANTE SA PASAY HANDA NA SA SCHOOL OPENING

Estudyante

SA patuloy na koordinasyon sa Department of Education (DepEd) Schools Division Office, nakahanda na ang lokal na pamahalaan ng Pasay na mabigyan ng edukasyon ang aabot sa 60,000 estudyante sa public kindergarten, ele­mentarya at high school  sa pagbubukas ng klase na nakatakda sa Agosto 24.

Ito ang inihayag ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, handang handa na ang lungsod  kahit na inirekomenda ng ilang opisyal ng gobyerno na ipag­paliban ang pagbubukas ng klase kung matutuloy ang pinaplanong gawin na lamang ito sa Nobyembre o Dis­yembre.

“Habang nakatakda pa lamang ang target date ng pagbubukas ng klase sa Agosto 24 para sa SY 2020-2021, kami sa lokal na pamahalaan ng Pasay ay kaagad na nagprepara ng detalyado lalo na sa usapin ng alokasyon ng kinakailangang pondo pati na rin ang training ng mga guro,” ani Calixto-Rubiano.

Sinabi ng alkalde na sa inisyal na yugto ng school year na ito, nakapagsimula na sila sa pag-iimprenta ng mga module na ibibigay kada isang linggo sa mga magulang ng mga estud­yante.

Ayon kay Calixto-Rubiano, may alokasyon na nagkakahalaga ng P40-mil­yon kada ikatlong buwan (quarterly) o P120-milyon para sa 220-araw ng school year upang mapondohan ang pag-iimprenta ng gagamiting modules sa bawat linggo para sa 60,000 estudyante ng kindergarten hanggang Grade 12.

Idinagdag pa ng mayo­ra na sumailalim na rin sa orientation at pagsasanay ng DepEd-Pasay ang may  2,236 na mga guro na itatalaga para ngayong school year kabilang ang 367 na mga non-teaching personnel tulad ng administrative at clerical. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.