643 KUKUHA NG ELIGIBILITY TEST PARA SA FOREIGN SERVICE OFFICER

AABOT sa 643 indibidwal ang nakatakdang kumuha ng Career Service Examination para sa Foreign Service Officer (CSE-FSO) sa Pebrero 5, 2023.

Karamihan sa mga kukuha ng pagsusulit ay magmumula sa National Capital Region (NCR) sa bilang na 406, habang ang iba ay mula sa Region 1 hanggang 11 at sa Cordillera Administrative Region (CAR)

Ayon sa Civil Service Commission (CSC), ang mga lugar ng pagsusulit ay nakalista sa Examination Advisory No. 1, s. 2023, habang ang individual room assignments ay maaaring makita gamit ang Online Notice of School Assignment o ONSA sa website ng CSC, ang www.csc.gov.ph.

Nagpaalala naman ang CSC na ang pagsusuot ng face mask ay mandatory kapag papasok at habang nasa loob ng testing venue.

Mahigpit ding ipatutupad ang “No ID, No Exam” at dapat makapagpakita ang mga examinee ng valid (not expired) ID card sa araw ng eksaminasyon; mas mabuting ipakita ang ID na iprinisinta noong mag-aplay ng kanilang aplikasyon.

Ayon pa sa CSC, kinakailangang ipakita ng mga “fully vaccinated” examinee ang original o digital copy ng kanilang vaccination card o katunayang may kumpleto na silang bakuna.

Ang mga kukuha ng pagsusulit ay dapat magsumite ng Health Declaration Form na nakumpleto nang hindi mas maaga kaysa sa isang araw o sa loob ng 24 na oras bago ang araw ng pagsusuri.

Ang mga examinee na hindi nakapagsumite ng nilagdaang Certificate of Consent sa panahon ng itinakdang panahon ay dapat ding magdala nito sa mismong araw ng pagsusuri. Tanging ang mga itim na ballpen lamang ang gagamitin sa pagsagot sa pagsusulit, at maaari rin silang magdala ng alcohol o hand sanitizer na hindi hihigit sa 100 mL ang laki, pati na rin ang mga meryenda at tubig.

Samantala, parehong nagsisilbi ang CSE-FSO bilang qualifying test at eligibility examination.

“As a qualifying test, it forms the first of the five-part Foreign Service Officer Examination (FSOE). Thus, passing the CSE-FSO is a requisite to be able to proceed to the succeeding parts of the FSOE—Preliminary Interview, Written Test, Psychological Test, and Oral Test—all administered by the DFA. The FSOE is being done to recruit candidates for the Foreign Service Officer, Class IV position,” sabi ng CSC.

“As an eligibility examination, passers of the CSE-FSO shall be conferred the Career FSO Eligibility. This eligibility is appropriate for first level (clerical) and second level (technical) positions in the government which do not involve practice of profession and are not covered by bar, board, and other laws,” dagdag pa niya.

ROMER R. BUTUYAN