PORMAL na nanumpa sa pamamagitan ng birtwal na pagtitipon ang 66 na mga bagong kawani ng Department of Agrarian Reform (DAR) kahapon ng umaga.
Nanumpa kay DAR Secretary Bernie Cuz ang mga bagong opisyal na kinabibilangan ng mga sumusunod na ranggo: Assistant Secretary, Director, Provincial Agrarian Reform Program Officers (PAROs), at Provincial Agrarian Reform Adjudicators (PARADs).
Sinabi ni Cruz na ang mga bagong itinalagang opisyal ay binibigyan ng napakalaking responsibilidad sapagkat sila ang mag-aambag sa ikagaganda at ikauunlad ng bansa.
“Sa mga pagsubok na ito na dala ng pandemya, pinatunayan ng mga magsasaka na nagagampanan nila ang napakahalagang papel ng pagsisiguro na ang bansa ay mayroong makakain.
Sa inyong katungkulan ngayon, kayo ay inaatasang alagaan ang kanilang kapakanan at bigyan ninyo ang ating mga magsasaka ng tulong, suporta at kapangyarihan,” paalala ni Cruz sa mga opisyal.
Sa kanyang talumpati, pinaalalahanan ni Cruz ang mga bagong itinalagang opisyal sa kanilang obligasyong maglingkod nang may integridad at gampanan ang kanilang mga tungkulin nang may lubos na kahusayan, katapatan, at kakayahan.
“Makakaasa kayo sa aking buong suporta hangga’t nilalabanan ninyo ang anumang tukso na makakapinsala sa inyong pagkatao at reputasyon bilang mga pampublikong tagapaglingkod ng DAR,” ani Cruz. Maria Theresa Briones