6,698 PULIS BUMAKOD SA 1,128 POLLING PRECINCTS

CAMP CRAME – INIHAYAG ni Philippine National Police (PNP) Chief, DG Oscar Albayalde na nasa 6,698 na pulis ang pumoste sa 1,128 polling precincts sa mahigit 2,000 ba­rangay para sa plebisito sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law kahapon.

Ang nasabing mga polling precinct ay mula sa limang lalawigan ng Autonomous Region In Muslim Mindanao (ARMM) at ang mga ito ay ang Maguindanao,  Lanao del Sur, Basilan, Tawi-Tawi at Sulu.

Kasama rin sa binantayan ng mga pulis ang mga presinto sa Cotabato City at Isabela City sa Basilan.

Sinabi ni Albayalde, sapat ang nasabing bilang ng mga pulis para proteksyonan ang 2,165,316 registered voters.

Bukod sa mga pulis,  mahigit sampung libong sundalo rin ang nakabantay para maiwasan ang karahasan sa plebisito.

Samantala, sa Pebrero 6, sa ikalawang bugso ng plebisito ay idideploy ng PNP ang 3,209 na pulis sa Lanao del Norte at 39 barangay sa North Cotabato. EUNICE C.