PASAY CITY – NASA 68 ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang dumating kahapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), galing sa mga bansa ng Kuwait, Abu Dhabi at Dubai, baon ang hinagpis at takot sa kanilang naging karanasan sa malupit nilang among Arabo.
Na una rito dumating ang 23 OFWs mula Kuwait, at lumapag ang mga ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 pasado alas-7 ng umaga sakay ng Qatar Airways flight QR 934.
Sumunod ang 18 OFW lulan ng Philippine Airlines flight PR 659, galing sa Dubai at lumapag ito sa NAIA terminal 2 bandang alas-8:00 ng umaga, habang ang 27 bilang ng OFW ay dumating naman sa naia terminal 1 pasado alas-10:00 ng umaga sakay ng Gulf Air flight GF 154 mula Abu Dhabi.
Ang naturang bilang na mga OFW ay tinulungan ng embahada ng Filipinas sa Dubai makaraang magsitakas sa kani-kanilang mga pinaglilingkuran Arabo, dahil hindi na nila matiis ang kalupitan ng kanilang mga employer.
Ayon kay Emily Soledad na nabalian ng kanang binti, tumalon siya mula second floor sa bahay ng kanyang employer, dahil hindi siya makalabas, at bukod sa naka-lock ang pinto, kinuha pa ang kanyang cellphone at passport, kaya napilitan siyang tumalon upang makatakas. FROILAN MORALLOS