UMABOT sa 688 human trafficking at illegal recruitment victims ang nasagip ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong nakalipas na taon.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, bukod sa mga biktima ng human trafficking ay tumaas din ang bilang ng overseas Filipino workers (OFWs) na hindi pinayagang makaalis bunsod sa mga dispalinghadong o improper documentation.
At ayon sa mga tauhan ng BI’s Travel Control and Enforcement Unit (TCEU), umaabot ito ng 13,680 na kung saan 491 dito ay pinaniniwalaan biktima ng human trafficking na agad naman nai-turn over sa Inter-Agency Council Against Traffikcing (IACAT) upang matulungan at sumailalim ng imbestigasyon.
Samantalang ang 197 minors na may hawak na kuwestiyonableng overseas work permits at job contracts ay nai-turned over sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Ayon pa kay Morente, ito ang modus ng mga sindikato na nag-iisyu ng pekeng dokumento upang makalabas sa bansa ang kanilang mga biktima sa pamamagitan ng bogus na papeles.
Batay sa record, nasa 326 ng mga minor ang na-intercept ng mga tauhan ng BI sa NAIA kung saan 18 ang nag-assume ng identities ng ibang tao at 34 dito ang nabisto ng forensic laboratory na may hawak ng bogus na dokumento.
Ani Morente, desperado ang ilan sa mga ito sapagkat hindi umuubra sa kanyang mga tauhan sa NAIA ang estilo na ginagawa ng mga ito. FROILAN MORALLOS