7 AMERICAN PEDOPHILES BAN SA PH

HINARANG ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa airport ang pitong Amerikano na dati nang nahatulan ng sex crimes sa United States.

Sa isang pahayag, sinabi ni Bureau of Immigration Officer-in-Charge Joel Anthony Viado na ang mga pasahero ay naharang sa magkakahiwalay na mga petsa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Mactan airport sa nakaraang tatlong linggo nang dumating ang mga ito at humiling ng pagpasok bilang mga turista sa bansa.

“They were all turned away and boarded on the next available flight to their port of origin. And as a consequence of their exclusion, they were included in our blacklist and banned from entering the Philippines” sabi ni Viado.

Idinagdag niya na ang mga pasahero ay na-exclude alinsunod sa Philippine immigration act na nagbabawal sa pagpasok ng mga alien na nahatulan ng mga krimen na may kinalaman sa moral turpitude.

Ang unang naharang ay si Dustin Patrick Auvil, 57, na dumating sa NAIA Terminal 3 mula sa San Francisco noong Agosto 22.

Siya ay nahatulan noong 2006 dahil sa pang-aabusong sekswal sa isang apat na taong gulang na batang babae.

Noong araw ding iyon, sinipa rin si Daniel Russell Eoff, 34, sa NAIA 3 pagkatapos niyang dumating mula sa Tokyo na convicted noong 2013 sa second degree sexual assault sa isang anim na taong gulang na bata.

Hindi rin pinapasok sa NAIA noong Agosto 23 si Francisco Javier Alvarado, 39, na nahatulan noong 2017 ng child pornography.

Sumunod na hindi nakapasok sa bansa ay si Michael Allen Turner, 41, na dumating mula sa Hongkong noong Agosto 24 sa Mactan airport sa Cebu na nahatulan noong 2003 ng sexual assault of a child.

Naharang noong Agosto 29 si Matthew Thorin Wall, 46, na dumating sa NAIA noong Agosto 28 mula sa Taiwan na nahatulan noong 1999 para sa sexual penetration of and sexual copulation sa isang 18 anyos na biktima.

Nitong Setyembre 4, dumating si Todd Lawrence Burchett, 41, mula sa Qatar sa NAIA at hindi pinapasok dahil batay sa record ng BI ito ay nahatulan noong 2014 para sa gross sexual imposition na kinasasangkutan ng isang 13 anyos na biktima.

At nitong Setyembre 10, si William Emil Wanket, 40, ay tinanggihan na pumasok sa NAIA matapos dumating mula sa Guam dahil ito ay nahatulan noong 2006 para sa sekswal na pang-aabuso sa isang 12 anyos na batang babae.

RUBEN FUENTES