CAVITE – Walong pasaway na kalalakihan na patuloy sa pagpapakalat ng shabu ang nasakote ng mga awtoridad sa magkahiwalay na anti-drug operation sa bayan ng Kawit at Dasmariñas City, Cavite kahapon ng madaling araw.
Pormal na kakasuhan habang nasa police detention center ang mga suspek na sina Ronnie Mlinao y Lugas, 26, vendor, ng Bautista Compd. Brgy. Tramo-Bantayan, Kawit, Cavite; Carlito “Poypoy” Ramasta y Acosta, 21; Leobert “Bert” Careloria y Danday, 18, ng Brgy. Alpaca, Kawit; Desare “Desa” Acol y Marcial, 23, ng Brgy. Tramo-Bantayan; Frederick “Frede” Loseres y Canaynay, 38, ng South 1 San Marino Subd., Brgy. Salawag, Dasmariñas City; Rovic Owen Abundo y De Ocampo, 18, ng Phase 2 Mabuhay City, Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City; at si Thomas Cruz y Austria, 51, ng Golden City Subd., Brgy. Salawag.
Base sa ulat ng pulisya na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, bandang alas-12:20 ng madaling araw nang isagawa ang anti-drug operation sa pangunguna ni SP02 Jaspher Paul Aspiras sa bahagi ng Barangay Tramo-Bantayan kung saan nasakote ang mga suspek na sina Malinao, Ramasta, Careloria at Acol.
Nasamsam ng mga awtoridad ang apat na pakete ng shabu na kasalukuyang isinailalim sa chemical analysis sa Cavite Crime Laboratory sa Imus City para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165.
Samantala, bandang alas-2:30 ng madaling araw kahapon nang isinagawa ng pulisya ang anti-drug operation sa bahagi ng Brgy. Salawag, Dasmariñas City kung saan nasakote ang mga suspek na sina Loveres, Abundo, at Cruz kung saan nasamsam ang apat na pakete ng shabu na isinailalim din sa chemical analysis para gamiting ebidensiya sa pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal. MHAR BASCO
Comments are closed.