7 BARANGAY SA SAN RAFAEL DRUG CLEARED NA

drug cleared

PITO sa walong Barangay sa Bulacan na kumpirmadong drug free ang matatagpuan sa bayan ng San Rafael bunga ng epektibong kampanya at imformation dissemination ng kapulisan katuwang ang pamahalaang-bayan para sa kanilang target na maging kauna-unahang drug-free municipality ang nasabing munisipalidad.

Base sa impormasyong nakalap sa tanggapan ni P/Supt.Victorino B. Valdez, Chief of Police (COP) ng San Rafael Municipal Police Station (MPS) drug cleared na ang mga Barangay Banca-banca,Dagat-Dagatan, Diliman 2nd, Maasim, Paco, Pasong Bangkal at Pinac-Pinacan at ito ay mayroong sertipikasyon mula sa Regional Director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ang pagkakadeklarang drug cleared ng pito sa 34 barangay sa bayan ng San Rafael ay bunga ng pagsisikap ni Mayor Cipriano “Goto’ Violago Jr., na nananatiling buo ang paniniwalang magiging drug-free municipality ang bayang kanyang nasasakupan sa susunod na dalawa hanggang tatlong taon.

Bukod sa pitong barangay na drug cleared, dalawa pang barangay ang naghihintay pa ng sertipikasyon mula sa PDEA para mapabilang na din sa kanayunang malinis na sa droga o ipinagbabawal na gamot habang dalawa pa uling barangay, ang Barangay Cruz na Daan at Pansumaloc, ang on process at naghihintay na lang ng lagda ng gobernador.

Ang lalawigan ng Bulacan ay binubuo ng 569 barangay mula sa tatlong lungsod at 21 bayan kung saan kumpirmadong walong barangay lamang ang drug cleared at pito pa rito ay nakamit ng bayan ng San Rafael at inaasahang madagdagan pa ang bilang na ito bago matapos ang taon.

Sinabi ni Mayor Violago na nais niyang tuluyang maging drug free municipality ang bayan ng San Rafael upang higit pang dumagsa ang mga kapitalistang nais magnegosyo sa nasabing bayan na patuloy ang tinatamasang kaunlaran dahil sa maayos na serbisyo-publiko ng nasabing alkalde katuwang ang Sangguniang-Bayan at PNP.   A. BORLONGAN

Comments are closed.