SULTAN KUDARAT – PITO katao ang naiulat na namatay makaraang magkarambola ang apat na sasakyan sa Alunan Avenue, Tacurong City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga namatay na sina Najmea Kusain, Juhaiber Mamusaka, 12; Juhaina Mamusaka, 9; Aipa Mamusaka, 2; Juhairi Mamusaka 1, pawang residente ng Fatima General Santos City; Atong Ontong, 19, estudyante ng Southern Mindanao Institute of Technology, ng Poblacion President Quirino, Sultan Kudarat at si Brent Nicole Marohombsar na driver ng Toyota HiLux, pick-up.
Patuloy namang ginagamot ang mga sugatang sina Nasser Mamosaka, 33; driver ng tricycle, ng Fatima Uhaw Gensan; Nahib Mamusaka, 5; Juhaira Mamusaka 3; at mag asawang Ariel Ypil Legada, 23; at Marielle Legada, 23, pawang residente ng Barangay Calean, Tacurong City.
Sugatan din ang may-ari at driver ng sports utility vehicle na may temporary plate number 130104 na si Dr. Omar Shariff Cabalida Acob, 29, ng Poblacion President Quirino; Joher Mamalinta, 21; Arnel Dansalan, 24; at si Voksany Alid.
Samantala, kinilala ang mga sakay ng pick up na may plakang (LHE 754) na sina Salman Abdul Asis, 21; Khryss Madahan, 23; Carl John Canto, 21; at si Vince Harley Camarao, 18, pawang residente ng Poblacion Tacurong City.
Sa imbestigasyon, magkakasunod na binabaybay ng mga sasakyan ang highway sa direksyon sa roundball, pasado alas-4 ng madaling araw kahapon nang masalpok ng SUV ang trike na lulan ang isang pamilya.
Sa ulat na nakarating kay PLtCol Rey Egos, nasa unahan ng SUV ang dalawang tricycle habang nakasunod ang pickup truck sa SUV.
Humiwalay ang sidecar ng trike saka bumangga sa concrete pavement.
Tumilapon ang mga sakay trike kung saan dead on the spot ang limang pasahero, kabilang ang misis ng driver at apat na anak.
Nabangga rin ng SUV ang isa pang trike kung saan, sugatan ang dalawang sakay nito.
Isang pasahero ng SUV ang sinasabing patay na kinilalang si Brent Nicole Marohombsar. MHAR BASCO